Pagsubok ng Dialysis

31 10 2015

“Oyyy… Good morning Sir! Musta na po?” isang bati ni Daniel sabay haplos sa kamay ng kanyang pasyente.

“Oyyy… Mabuti naman ako…ito, nagpapadialysis pa rin. Sino ka nga? Ipagpasensya mo na, di ko matandaan ang tinig at haplos mo,” tanong ni Gaudencio na pilit inaalam ang tinig ni Daniel.

“Si Daniel po. Ikaw talaga, Sir, kinakalimutan mo ako agad,” may birong tampo na sagot ni Daniel.

“Loko kang bata ka… Nakalimutan mo rin na malabo na mga mata ko at sa tinig o haplos lang ako nakikiramdam, dahil kasi sa taas ng blood sugar ko,” tugon naman ni Gaudencio.

“Di ka na nga mabiro, Sir,” sabi ni Daniel sabay tapik sa kamay ng kanyang pasyente.

“Loko ka talaga, bantayan mo na nga lang ako para di kita makalimutan at dir in malilimutan sa makukuhang mana,” sagot naman ni Gaudencio at parehong nagtawanan sila ni Daniel pagkatapos.

Isang nars si Daniel at isa sa mga pasyente nila sa Gaudencio na dating sikat na chef. Halo-halo ang mga pasyente nila sa dialysis center, may mga maykaya at hindi. Ngunit, pagdating sa loob ng center, pantay-pantay ang turing ni Daniel sa kanila.

Ang pagiging isang nars ng dialysis ay hindi madaling gawain araw-araw. Baon dapat araw-araw ay sandamakmak na kuwento at pag-aalaga. Bilang nars, walang pagkukulang si Daniel sa pag-aalaga at buti nalang rin may dala siyang kuwento araw-araw at nakikinig sa mga kuwento ng pasyente at kasama nila.

“Sir Daniel! Long time no see ah, sa itaas ka ba nakaassign last week?” tanong ni Lorna na isa ring pasyente ng dialysis na nagbebenta para may maipangdialysis.

“Oyyy… Hello, Ate Lorna, opo, sa taas ako nakaraan kaya di ko natikman mga benta mo, magbranch out ka na rin kasi sana doon ate para di ko mamiss mga benta mo,” pakikipaglaro na sagot ni Daniel.

“Kung kaya ko lang sana, Sir, why not diba, dagdag kita rin iyon para pangdialysis,” tugon ni Lorna sabay kindat.

Tumawa si Daniel at sabay tanong na, “Ano ba meron ngayon ate, may turon ka bang may langka?”

“Meron Sir, para sayo…ilan ba kukunin mo?” sagot na benta mode si Lorna.

“Sige, dalawa. Pero mamaya ko na kukunin ah, sisimulan muna natin ang iyong dialysis, ako na tutusok sa’yo,” paniniguro ni Daniel na masisimulan ang dialysis sa tamang oras at nang makauwi rin agad mga pasyente.

“Orayt, Sir…Rakenrol mo lang, at least di mabigat tutusok ngayon, nabugbog iyan last week at para akong pinag-aaralang palaka dahil ang bigat ng mga kamay nila,” panatag na tugon ni Lorna at sabay sumbong sa nangyari.

“Kaya pala nagkapasa itong braso mo Ate Lorna, sige, iiwasan muna natin sa may pasa ah, bagong site ang tutusukin ko,” pagpapapanatag ni Daniel kay Lorna.

“Sige Sir, ikaw bahala, may tiwala ako sa’yo,” sagot ni Lorna sabay tusok ni Daniel na may konting kirot na naramdaman.

Ang mga pasyente ay apat na oras na nakaangkla sa mga makina ng dialysis. Apat na oras na nililinis ang kanilang mga dugo at pagbabawas ng tubig sa kanilang katawan. Sa panahon rin ng dialysis madalas parang nakawalang ibon ang mga pasyente sa dahilang nakakakain at nakakainom sila sa pagkain o inuming gusto nila na madalas bawal. Bawat trento minutos naman, minomonitor ang blood pressure ng mga pasyente at di hahayaang bababa ito.

“Sir Alvin, Rocky at Ate Violy, kumusta naman po?” pangungumusta ni Daniel sa iba pang mga pasyente.

Si Violy tulog.

“Ayos naman, Sir, kain po tayo,” tugon ni Rocky. “Salamat Rocky, pakabusog ka,” sagot ni Daniel.

“Medyo nahihilo ako, Sir,” tugon rin ni Alvin.

Tiningnan ng maigi ni Daniel ang mukha ni Alvin pati na ang makina, at sabay sambit na, “Sir, parang malakas ata ang hatak ng dugo natin kaya ka nahihilo, papahinaan ko po ah…hanggang 300 (mL kada-minuto) naman po kadalasang hatak niyo, nagpa-350 ka ngayon, advise po ba ni Doc ito?”

“Tinry ko lang po, Sir. Pinakiusapan ko kasama niyo na gawing 350 dahil napasabak ako nakaraan sa pista, napakain ng maraming bawal at napainom rin,” tugon naman ni Alvin.

Napakamot sa ulo si Daniel sabay ngiti, “Kaya naman pala, ibabalik natin sa 300 ang hatak ah at babalikan kita mamaya.” Lumingon naman si Daniel sa kabilang makina at nakitang bumababa ang blood pressure ni Violy.

“Ate Violy, gising po… Ate Violy… Kumusta po?” panggigising ni Daniel kay Violy.

“Sir? Ano po iyon?” tanong ni Violy.

“Kumusta po kayo, sabi ko, medyo mababa na po kasi ang blood pressure niyo, 80/60,” pag-uulit ng tanong at pag-aalala ni Daniel.

“Antok ako, Sir. Napagod ako sa biyahe papunta rito para sa dialysis. Sige po, Sir, kakain na po muna ako,” sagot ni Violy.

“Sige po, babalikan ko po kayo, mamaya ah,” wika ni Daniel.

Isa sa laging nagsusupervise si Daniel sa mga pasyente kahit di nakaassign sa kanya. May ibang mga nars kasing di madalas nasa tabi ng pasyente upang magmonitor. Nang biglang nagkagulo sa may hintayan ng dialysis center at lumapit si Daniel.

“Ano ba ang gagawin namin, Ma’am? Bakit di pwedeng madialysis? Hirap na hirap na po sa paghinga ang anak ko, pinabalik-balik na kami rito!!!” galit na galit na pagkikipag-usap ng ina ng isang bagong pasyente.

“Ma’am, wala po tayong magagawa diyan dahil iyan ang polisiya!” pagmamatigas ng staff ng dialysis center at dagdag pa nito, “Kung wala pong bayad na bill, wala pong dialysis…naipaliwanag naman po iyan bago pa kayo nagsimula. Sino ho ba ang nag-orient sa inyo? Pang-ilang dialysis niyo po ba rito?”

“Ikatlong session pa po namin rito. Nagkulang po kasi ang pera namin dahil may dumukot sa pitaka ko. Ma’am para niyo nang awa,” umiiyak na nagmamakaawa ang ginang.

“Ma’am Jen, huminahon ka nga… Ale, ano po ba ang problema? Ako pa naman ang nag-orient sa inyo,” mahinahon na pagpapagitna ni Daniel sa dalawa.

“Sir, naiintindihan ko po polisiya niyo, pero nagmamakaawa po ako na sana madialysis ang anak ko kahit promissory note lang po muna, dinukot po kasi ang pitaka ko habang papunta rito. Sir, para niyo na pong awa,” pagsusumano ng ina para sa kanyang anak.

Di ipinapakita ni Daniel na nadudurog siya sa mga nangyayari at hindi niya maisasaalang-alang ang anumang polisiya na meron ang institusyon kung kaya’t sabi niya sa ina, “Ale, naiintindihan ko po ang sitwasyon niyo, gaya po ng sabi ni Jen na sa staff namin rito, ‘walang bayad na bill, walang dialysis’. Naipaliwanag ko rin po sa inyo noong inorient ko kayo na ang bayad na ito ay di mapupunta sa amin kundi bayad po sa mga makinang ito na nirerentahan lang din namin. Pero ito po pwede nating gawin, pumunta po kayo sa social service counter at maaari po silang makapagbigay nang konting suporta para sa pagpapadialysis.” Umalis na rin si Jen sa pag-uusap at may tawag na sasagutin.

“Kanina pa po kami pabalik-balik ng anak ko, Sir. Hapong-hapo na po siya,” dagdag ng ina.

“Pwede naman po rito muna maupo ang anak niyo at maaari niyo pong puntahan doon sa social service nang maasikaso ang bayad ng bill para sa dialysis. Pagpasensyahan niyo na po si Jen, at sinusunod niya lang po ang polisiya ng institusyon,” pagpapanatag na wika ni Daniel.

“Sige po, Sir. Maraming salamat po sa mungkahi niyo. O, anak, dito ka muna ah, ako nalang ang pupunta doon sa social service para makapagpadialysis ka,” nangingilid ang luha ng ina na naging kampante na rin sa suhestiyon ni Daniel.

“Sige po ale, puntahan niyo sa social service. Iho, diyan ka lang ah, ayan oh, may ibang pasyente na rin na pwedeng magbabantay sa iyo habang inaantay mo si nanay,” wika ni Daniel.

Sumagot ng tango ang bata at sabay ngiti kay Daniel at dahan-dahang umupo sa silya ng hintayan.

Sa kabilang banda, pinuntahan ni Daniel si Jen at kinausap, “Jen, anong nangyari? Pinapatulan mo ang watcher kanina…” Sumagot naman si Jen, “Ayan ka na naman eh, nagbibida-bidahan. Iyon naman talaga ang polisiya natin at dapat nakatatak na iyan sa mga pasyente at watcher natin.”

“Umayos ka Jen ah, anong bida-bidahan ang sinasabi mo…maraming paraan na pwedeng gawin para di tayo mamatayan ng pasyente, maaatim mo bang mamatay iyong bata dahil ipaglalandakan mo ang polisiya ng institusyon ni wala kang suhestiyon kung papaano maaaring makakuha ng pambayad para sa bill yung ina ng bata,” pagsasalaysay ni Daniel.

“Oo na, mali na ako…lagi naman eh,” nagdadabog na wika ni Jen.

“Babae ka pa naman sana pero ang tigas mo…” sambit ni Daniel at pinuntahan muli sina Alvin at Violy.

“Anong nangyari doon, Sir?” tanong ni Alvin.

“Hayaan mo na iyon, mga bagay na naranasan niyo na dati, ‘kung walang bill, walang dialysis’,” salaysay ni Daniel sabay ngiti at dagdag niya kay Alvin, “nawala na ba ang hilo mo?”

Nakangiting sagot ni Alvin, “mabuti na ang pakiramdam ko, Sir. At least ramdam kong nalinis na ang nakain ko sa pista.” Tapos nagtawanan sina Daniel.

“Ikaw naman, Ate Violy, chek natin ang blood pressure mo…saglit ah…(ilang sandali lang) ayan, 100/70, kain lang pala ang kailangan mo, Ate Violy,” at umaalik-ik si Daniel na nakikipag-usap.

“Oo nga po, Sir. Kain lang kailangan. Salamat po, Sir,” tugon ni Violy.

“Sige po, pupuntahan ko muna si Ate Lorna, at nagugutom na ako, meryenda muna nang turon ni Ate Lorna,” wika sabay punta kay Lorna para sa turon na may langka.

Ilan lamang iyon sa mga pangyayari sa loob ng dialysis center. Iba’t ibang grupo ng mga pasyente ang maaaring makakasalamuha at iba’t ibang problema rin ang maaaring maranasan. Pati mga ugali ng tao, iba-iba.

Riiinngggg…. Riiinnnngggg…. Riiinnnngggg….

“Hello, good morning, dialysis center. Si Daniel po ito, ano pong maipaglilingkod ko,” sagot ni Daniel sa telepono ng center.

“Hello po, sa ICU po ito, Sir, si Glenda. May pasyente po kaming idialysis mga 2:00 o’clock ng hapon. Ieendorse ko po sana,” salaysay ni Glenda.

“Sige po, Ma’am,” tugon ni Daniel at sabay sulat sa mga inendorse ni Glenda.

Pagkatapos makuha ni Daniel ang mga impormasyon, inendorse niya rin ito sa in-charge na si Ruben, “Ben, para mamayang hapon raw iyan mga alas-dos.” “Alang problema, Sir,” tugon ni Ruben. Bigla namang nagsitunog ang mga makina, dahil nagkaroon ng problem sa tubig. Lahat ng mga nars ay nagsipuntahan sa mga makina, pinagpapatay ang tunog nito at sinabihan ang mga pasyente na huwag mabahala at panandalian lamang iyon. Halos lahat ng mga pasyente ay naalarma rin at baka matigil ang kanilang dialysis liban kay Gaudencio.

“Doc, si Gaudencio po…kanina pa tulog, gising pa naman siya kanina pagkasimula at stable ang vital signs,” wika ni Myrna na nars na nakabantay.

“Subukan mong gisingin, Ma’am, at ichek na rin ang blood sugar niya baka mababa o sobrang taas na,” tugon ng doctor nila sa dialysis.

“Sir Daniel, pakitingnan po muna si Gaudencio, kukuha lang po ako ng pangchek sa blood sugar sa itaas kasi naubusan na tayo ng stock,” pasuyo ni Myrna kay Daniel.

“Sige Myrna, ako na muna bahala sa kanya,” tugon ni Daniel.

Nilapitan rin ng doktor si Gaudencio at sinubukang gisingin ito at dahil ayaw magising, marahil tulog, sinubukan niyang gamitan ng penlight ang mga mata ni Gaudencio kung may reaction pa. Medyo nag-aalala ang doktor, kung kaya’t tinawagan niya ang kanilang consultant para sa i-report ang kondisyon ng pasyente at kung anong abiso maaaring gawin. Lumapit rin si Daniel kay Gaudencio at sinubukang gisingin ito.

“Sir… Malapit na po kayong matapos, isang oras nalang po… Gising na…,” wika ni Daniel ngunit walang reaction mula kay Gaudencio. Sinubukan niya ulit at inilapit sa tenga ni Gaudencio ang bibig upang mas marinig habang hinahawakan ang kamay ng pasyente, “Sir.. Gising na po… Malapit na po kayong matatapos, iiwanan mo na naman ako.”

Biglang gumalaw at lumingon kay Daniel si Gaudencio, “Arrhhh, sino yan?”

“Ang bilis mo talaga akong nakakalimutan, si Daniel po…,” may lambing na wika ni Daniel.

“Ikaw pala iyan, anak, ano ba nangyari? Bakit iiwan?” tanong na naalimpungatan si Gaudencio at lumapit ang doktor.

“Hay salamat, tay, kanina pa po kasi namin kayo ginigising at parang ang lalim ng tulog niyo,” wika ng doktor kay Gaudencio at dagdag pa ni Daniel, “Oo nga Sir, kaya bumubulong na ako sa iyo…kasi lalim ng tulog mo at malapit ka na matapos.”

“Ay, ganun ba, wala kasi yung bantay ko, si Ate Shirly mo at di rin naman ako kinakausap nung nagbabantay sa aking nars, kaya nakatulog ako,” tugon ni Gaudencio kina Daniel at sa doktor habang paparating si Myrna.

“Ayan po, si Myrna, ichechek niya po blood sugar niyo,” sambit ng doktor.

“Hi Sir, ichechek lang po natin blood sugar niyo ah…ayan, 70, mababa po, Sir. Kain po kayo kahit konti,” wika ni Myrna.

“70, sige tay, kain po muna kayo konti o inom ng juice,” wika ng doktor.

“Mababa nga, 70, iha, pakibilhan mo nga ako nung turon ni Lorna dalawa, may bente rito sa bulsa ko,” pakiusap ni Gaudencio kay Myrna habang nasa tabi lang rin si Daniel.

Nilapitan ni Daniel ang doktor at nagtanong, “ano po kaya nangyari sa kanya, dok?”

“Buti nalang nagising siya, Dan. Nasa state of coma na siya kanina nung tiningnan ko,” tugon ng doktor.

“Buti na nga lang dok at nagising siya, sige po dok, salamat, tingnan ko muna ibang pasyente na malapit na ring matapos,” wika ni Daniel.

Apat na oras na ang lumipas at natapos na ang mga pasyente. Pinagliligpit na ang mga gamit nila sa dialysis at pati tusok ng mga pasyente ay inaayos nang mabuti. Saglit na pagpapahinga bago tuluyan na umaalis ang mga pasyente at may kasunod na grupo na naman ang siyang i-dadialysis. Yung nanay ng bata sa may hintayan ay nakaupo na rin hawak-hawak ang bill para sa pagdialysis ng anak.

“Guys, linisin nang maigi ang pinag-iwanan ng mga pasyente para sa mga papasok na pasyente,” pagpapaalala ni Daniel sa mga kasamahan. “Yes, Sir,” sabay tugon nina Myrna, Jen at Ruben. “Orayt, rakenrol tayo ngayong araw na ito,” masayang wika ni Daniel.

Gaya nga ng sabi ng iilang pilosopo, likas ang kabutihan ng tao ngunit naiimpluwensyahin ito ng kanyang kapaligiran. Bawat tao, iba-iba ang mga karanasan at nakakasalamuha na maaari niyang dalhin sa kanyang pagkatao. Ngunit iba-iba man ang katangian ng bawat indibidwal, sana pahabain ang pasensya upang matutunang umunawa at irespeto ang kaibahan ng bawat isa.

Ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 7.

Saranggola 336x280





Maki-Wika

15 11 2014

Kasarinlan nga ba itong tawag sa pagpupunyagi ng sariling wikang ginagamit,

Ngunit sa kabilang banda ay dahuyang wika pa rin ang namamayani?

Ilang siglo na rin ang binilang at lumipas nang tayo ay naging bayang salinlahi,

Hanggang ngayon ay parang di makawala sa kadenang bumibigkis sa leeg.

Pagmasdan ng mabuti ang ating kapaligiran na napapalamutian ng mga salita,

Oo, nababasa at naiintindihan, ngunit karamihan nama’y wikang dayuhan.

Higit na sa isang sentenaryo ang lumipas nang ang Pangulong Quezon nanguna;

Para sa adbokasiyang pagyayaman ng ating wika na hango sa mga katutubong salita.

Bagamat may mga ganitong mga pagpapahalagang pinagyayaman ng iilan,

Sa di maunawang dahilan, Konstitusyon ng ating bayan ay di unang hango sa ating wika.

Ayon nga sa salawikaing alam ng marami, si Pepe pa man din ang syang nagsabi,

“Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay daig pa ang isang malansang isda.”

Hinahon na muna at ating pagtahi tahiin ang mga nangyayari sa ating bayan,

Pagsasalita at pagdedebate sa mga pambansang okasyon, karamiha’y di ating wika ang gamit.

Saan pa pupunta ang ating pagiging sabik sa pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan,

Kung mismo karamihan sa ating mga kababayan ay di man lang hiyang sa pagsasalita ng ating wika.

Pulu-pulo man ang ating sambayanan; magkakaiba man ang mga diyalektong pinaglakhan,

Pagyamanin natin ang iisang wikang maaaring magbubuklod at magtataguyod ng ating bayan.

Magaling man tayo sa ibang wika, gawin natin itong bala makipagkomunika sa mundo

Ngunit huwag nating isaalang alang ang sariling wikang dapat mas mahal at naiintindihan ng karamihan.

Pagkat sa huli, san man tayo sa mundo mapapadpad – iisa ang ating layunin bilang bayan

May yabang at di mayabang na ipagsisigawan ang sariling wika – ang WIKANG FILIPINO.

Ito ay inyong lahok sa Saranggola blog awards 6.

Saranggola 336x280





Walong Bagay Tungo sa Pilipinas 2030

15 11 2014

Ang tinatamasang kaunlaran ng Pilipinas ay bagay na dapat ramdam ng LAHAT ng mga mamamayan. Ang mga mamamayan na siyang bumubuo sa pundasyon ng ating bayan at tumutulong sa paggulong ng ating ekonomiya. Di dapat isaalang-alang ang mga tao sa pag-unlad at dapat nababanaag ang pagnipis ng agwat ng mga mayayaman at mahihirap…

Sa kasalukuyan, marami pang dapat gawin sa ating bayan upang mas ramdam ang saganang natatamo. Ang dami ng mga industriyang nangangailangan ng paglilinang upang makapagbigay ng trabaho sa nakakarami, at magtataguyod ng pangmatagalang kaunlaran sa ating bayan. Subalit, bawat isa sa atin ay inaasahan ring magbibigay ng kanya-kanyang ambag para sa kaunlarang pangmatagalan. Di lamang ito responsibilidad ng pamahalaan, kundi responsibilidad ito ng lahat.

Iwan na muna natin ang paninisi nang kung sinuman na siyang balakid sa ating lubos na pag-unlad. Gawin nating hamon sa bawat isa at pamahalaan ang walong bagay o gawain na nawa’y makakatulong sa pagkamit ng wagas na kaunlaran. Halika at isa-isahin natin…

Una, magbigay tayo ng respeto sa bawat isa.

Sa pinakasimpleng pagpapahayag, ang pagrespeto sa kapwa ay magiging daan para rerespetuhin ka rin nila.

Ito ang isang bagay na kalimitang nakakalimutan ng mga tao. Dahil sa pagiging kumpetitib ng mga tao, di maiiwasang nagkakasakitan mauna sa pila o makapasok sa pintuan ng tren.

Huwag sana nating ipagwalang bahala ang pagrespeto sa kapwa at ito ang tiyak na aahon sa atin sa anumang pagsubok sa hinaharap. Ang kapwang nagrerespetuhan ay kapwang panatag ang loob kahit saan man mapadpad.

Ikalawa, bigyang halaga ang mga pampublikong proyekto

 

Isa sa pinakamagandang pampublikong proyekto sa bansa ay ang mga light rail transit o LRT at ang metro rail transit o MRT. Ito ay nakakatulong sa mas mabilis na transportasyon sa Metro Manila at sa murang halaga. Kahit anong ganda ng proyektong ito, tila ang mga taong desperadong makasakay para di ma-late sa trabaho o eskwela ay nagiging dahilan ng unti-unting pagkakasira ng tren. Hinahabol at pinipigilan ang pagsasara ng pinto ng tren kung kaya nagkakaaberya. Sana maunawaan rin ng marami na ang dumaan na tren ay may kasunod na tren; at ang huling gumising, mahuhuli sa pagpasok sa trabaho o opisina.

Isaisip rin sana natin na ang mga proyektong pampubliko na ginawa at nakatayo sa mga lansangan ay pinaglaanan ng buwis. Hangad natin ay maramdaman ang katas ng ating buwis sa pamamagitan ng pagkakaorganisa ng pampublikong sistema na nasa ayos.

Ikatlo, gawing may saysay ang kinikita.

Ano nga ba ang dahilan ng ating paghahanapbuhay? Upang kumita, di ba? Ano namang dahilan bakit gusto nating kumita? Para sa kinabukasan naman yun, tama ba?

Ang a-kinse at a-trenta ang pinakamayamang araw ng manggagawa – araw ng mga libonaryo ang madalas na tawag rito. Ngunit, datapwat at subalit, tinatapatan ito ng mga dambuhalang malls ng mga payday sale. Heto naman ang dakilang manggagawa, nahihikayat na sumilip at mapapabili nang di sa tamang panahon. Ngunit, bago ang lahat, gawing may saysay ang kinikita. Matutong magbudget at di lang puro gastos hanggang sa maubos ang kita. Simpleng formula gaya ng KITA bawasan ng IPON at ang matitira ay ipambubudget sa mga kailanganin at ang sobra ng budget ay para sa GUSTO. Di mahirap na formula na tiyak makakatulong sa bawat isa at ang kita ay mailalaan sa mas mahalagang bagay.

Pang-apat, unawain na ang lansangan ay di basurahan.

Nakakalungkot at nakakadismayang makita kahit matatanda ay nagtatapon ng kahit balot ng kendi kahit saan. Minsan pa ay lumilipad ito at napapadampi sa mukha ng kung sinuman – matatawa lang din ang siyang nagtapon.

May mga naglilinis nga sa mga lansangan araw-araw na kung tawagin ay mga metro aide. Ngunit di lang nila responsibilidad ang maglinis. Ito ay reponsibilidad nang lahat. Mas matutuwa pa akong walang makikitang metro aide sa lansangan at ibang trabaho aatupagin nila. Dahil ibig sabihin lang ng ganun ay ang mga mamamayan ay mulat at alam kung ano at saan ang basurahan. Tipong pati ang mga bata marunong magtapon ng simpleng basura sa tamang basurahan. Ito ay simpleng bagay na malaki ang magiging kontribusyon sa kalinisan at pagiging mature ng mga tao sa bagay na ito.

Panlima, tangkilikin ang produktong atin.

Natatawa ako sa ikot ng mga produktong galing sa atin. May mga kuwento ang mga turistang pinoy na nawiwili sa mga produktong nasa labas ng bansa at binibili ang mga ito. Di nila alam at huli na nilang nalalaman na ang mga ito ay gawa sa atin at mas mura pa sana ang bili nito sa atin. Oo, tinangkilik nga naman ang sariling atin ngunit di naman alam na iyon pala ay gawa sa atin.

Isa pang halimbawa ay ang sa produkto ng mina gaya ng uling. Magaganda ang kalidad ng ating uling kung kaya may yabang tayong nag-iimport ng mga ito sa ibang bansa. Ngunit, sa di malamang dahilan ay maraming planta ng enerhiya sa bansa ang umaangkat ng mga uling para paganahin ang mga ito. Mas mura sana ang kuha ng uling sa sariling bansa kaysa sa pag-aangkat ng mga ito sa iba, tiyak din sana na mas mura ang presyo ng enerhiya niyan.

Lagi sana nating isipin kung saan gawa ang mga produktong binibili at ginagamit natin. Sa ganitong paraan, ang mga manggagawa ng mga kumpanyang gumagawa ng mga produkto ay patuloy na may trabaho. Wika nga sa ekonomiks, habang may demand hahabulin ito ng suplay ngunit di sana mahal.

Ika-anim, hikayatin ang pamumuhunan sa produksyon.

Madaming malls ang itinatayo na parang mga kabute, tila nagpapahiwatig ito na ang Pilipinas ay isang bansang malaki ang porsyento ng mga mamimili. Magaling tayo sa pamimili ngunit kulang na kulang tayo sa mga pasilidad na magbibigay daan sa mas maraming produksyon. Karamihan ng mga nabibili ay inaangkat na mga kagamitan. Ang ganitong uri ng ekonomiya ay nagpapahina sa pundasyon ng produksyon sa hinaharap. Mawawalan ng trabaho ang mga nasa sektor ng produksyon at aasa na lagi tayo sa produkto na di galing sa atin.

Kung kaya’t hikayatin natin ang mga namumuhunan na mamuhunan sa mga pasilidad ng pamproduksyon. Ang mga pasilidad ring ito ang madadala ng mga produkto natin sa labas ng bansa. Ang mabuting produksyon ay magiging susi natin sa mundo at ang magtataguyod ng maraming trabaho sa bansa.

 

Ikapito, Ibandera ang pagkakaroon ng mas epektibong transportasyon.

Naitampok natin na ang mga tren sa ikalawang halimbawa. Ngunit, di lamang mga tren ang solusyon sa matinding trapik sa kalakhang Maynila. Iba’t ibang uri ng transportasyon ang makikita natin sa mga lansangan. Kasali na rito ang tren, mga bus, jeep at tricycle. Kasabay ng mga sasakyang ito, sumisikip lalo ang mga lansangan dahil sa dami ng mga taong nagcocommute. Di naman natin masisisi ang mga tao sa pagcocommute sa kadahilanang iyon nga ang Public Utility Transport System natin. Ngunit, subalit at datapwat, kailangang umayon ang mga transportasyon natin sa pangangailangan o dami ng mga mananakay. Di ba naiisip muli ang paglalagay ng mga dalawang palapag na mga bus? Iisa ngunit marami ang maisasakay na mga manananakay. Tipong may nakakaupo o nakakatayo saan man sa palapag ng bus na ito.

Di na masama kung maraming ganito sa mga lansangan ng Maynila at karatig lungsod. Mas maraming bus na dalawang palapag, maraming mananakay ang maisasakay, mas kukunti sasakyan sa lansangan, masa matiwasay ang mga daanan at di buhul-buhol ang trapik.

Pangwalo, gawing pangkalahatan ang mga pagpaplano.

Ang plano ay ginagawa pagkatapos ng masusing pagtukoy ng mga maaring problema sa isang sistema na gusto nating resolbahin. Sa pamamagitan rin ng pagtukoy ng mga problema, malalaman natin ang mga nakagawiang tugon sa mga problema at maaaring maimungkahi ang bagong pamamaraan ng pagsasaayos ng problema. Hay naku, puro problema… Dahil sawang-sawa na tayo sa pampublikong problema, ito ay lalaanan ng solusyon. Ang paglalapat ng mga bagong solusyon ay kailangang may nakalaang haba ng panahon na ito ay susubukan at gagawan ng ebalwasyon. Kung di naging maganda ang ebalwasyon, tutukuyin ulit ang mga naging problema at hahanapan ng solusyon; muling susuriin kung naging epektibo hanggang sa makuha ang pinakaangkop na pamamaraan o sistema para sa isang sitwasyon. Ipasok natin rito ang pagpaplano lalo na kung may mga sakuna at delubyong pumasok sa ating bansa. Tiyak, ang maayos na pagpaplano ay magbibigay ng daan sa maayos na pamahalaan.

Iilan lamang iyon sa mga bagay na tiyak magdadala sa atin sa isang maunlad na Pilipinas sa hinaharap. Di man perpekto, ngunit ito ang mga bagay na simple at kayang gawin kahit ng ordinaryong mamamayan.

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 6.

Saranggola 336x280





Dear Papa

15 10 2013

Dear Papa,

Naalala ko lang po yung sinabi mo sa akin, “Sulat ka ‘nak, ah.” Kaya ito po, sulat ko po para sa iyo, Papa.

Di man tayo isang marangyang pamilya ay may mga pagkakataon akong nakakapagliwaliw sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Nakakatawa nga lang isipin na ikaw yung nagtatrabaho para sa pamilya pero ikaw pa yung di gaanong nakakapagliwaliw. Kaya isa sa mga pangarap ko ay makapagliwaliw tayong mag-anak na medyo malayo para makapagsaya kahit minsan. Pero on the process pa yun kasi kakasimula ko pa lang sa mas magandang trabaho.

Sa loob ng higit labing limang taon na nalayo ka sa ating pamilya dahil sa trabaho, di man ito sa ibang bansa, ngunit Visayas pa rin ang ating pagitan.Noon, nakakauwi ka lamang every quarter ng taon. Ngayon, buti nalang at every two months na. Alam ko pong kami ang iyong kayamanan kung kaya’t pinagsikapan mong maitaguyod ang ating pamilya malayo ka man sa atin. Bilang ganti, kaming magkakapatid ay nag-aral nang mabuti at nagtapos ng may karangalan na alay naming sa inyo ni Mama.

Nakapagtapos na kaming lahat sa pag-aaral at malaking pasasalamat naming sa inyong suporta. Kahit sa pagkuha ko ng post graduate degree, salamat po at di niyo ako iniwanan – hinatian niyo ako ng pangtuition.😉 Buti nalang at nagbigay din iyon ng pagkakataon na makapagliwaliw tayo saglit dahil sa graduation ko. Pero di pa po yun yung treat kong paggala sa ating mag-anak, kayo pa po yung gumastos noon.😉

Sadyang mapagbiro ang tadhana, nauna kaming natapos ni kuya sa pag-aaral, pero si bunso ang pinakaunang nagkaroon ng trabahong masasabing totoong trabaho – pagkat may mga benepisyo at maayos na sahod. Gayunpaman, pasalamat pa rin kami ni kuya sa inyo ni Mama sapagkat may mga mapagkakakitaang bagay na aming naiisip na inyong sinusuportahan.

May mga nakakatuwang bagay sa buhay na ating napagtanto at isa na rito ang “walang nagiging mayaman sa pagiging empleyado”. May mga ilan-ilang sasang-ayon at meron ding hindi. Datapwat, kailangan maging marunong sa buhay – sabi nga ng komersyal ng Surf, dapat wais!

Bagamat pareho kaming nars ni kuya, di nauwi sa hospital ang career namin. Si kuya ngayon ay isang nurse-entrepreneur na sa buko shake kumikita at ngayon may lechonan pa. Ako naman, may trabaho at raket sa paggawa ng mga masasarap na panghimagas. Di naging madali sa umpisa pero ang inyong suporta kasabay ang pagdarasal, may mga natamo tayong di man karangyaan ay isang buhay na payak.

Naging sustansya naming ang iyong mga pangaral at takot sa Diyos para sa isang mapayapang pamumuhay. Hangad ko na mabigyan ka lagi ng malusog na pangangatawan at marami pa tayong gagawin sa hinaharap. Nawa’y ang ating mga plano ay babasbasan ni Papa Jes upang maisakatuparan at makatulong tayo sa kapwa.

Maraming pagbabago sa hinaharap. Maraming pagsubok rin ang darating. Ako, habang nasa isang paglalakbay na sinusulat ang liham na ito ay nagpapasalamat nang buong puso sa suporta at tiwala sa mga bagay na aking ginagampanan. Dahil sa inyo, buo ang aking pagkatao at pananalig sa Diyos na lahat ng mga nangyayari ay may haplos ni Papa Jes.

Dito na lamang po at marami pa tayong kuwento sa hinaharap.

Nagmamahal na anak,

CJ

Lahok sa Saranggola Blog Awards 5

Saranggola 336x280

dmci homes logo





18-24

15 10 2013

LANGHAP ANG USOK, DUMI NG HANGIN, AT AMOY NG BASURA

KATAWA’Y DI PROTEKTADO NGUNIT DI ITO INAALINTANA.

SA LAHAT NG PANAHON, BANGKETA ANG SILUNGAN,

PAGKA’T MARALITANG TAGA LUNGSOD, HIRAP MAGKAROON NG SARILING TAHANAN.

KATAWAN ANG PUHUNAN SA ARAW-ARAW NA PAGHAHANAPBUHAY,

NGUNIT KATAWA’Y DI NAAALAGAAN DAHIL SA DAMI NG KAKULANGAN.

KAKULANGANG DI HINAHANGAD PARA SA SARILI AT PAMILYA,

KAKULANGAN DIN NA DI AGAD NAKUKUHA ‘PAG ALANG PAGSISIKAP.

KAILANGAN NG KATAWAN ANG WASTONG NUTRISYON,

KAILANGAN DIN NG KATAWAN ANG SAGANANG TULOG.

NGUNIT SA TINDI NG MGA PANGANGAILANGAN,

KATAWA’Y NAKOKOMPROMISO AT NAKAKALIMUTAN.

MAY MGA NARARAMDAMANG DI PINAPANSIN,

MAS INIINTINDI ANG DAPAT KIKITAIN.

MADALING ARAW AY DI PA RIN NATUTULOG,

NAGING SANAY SA PANGANGALKAL, ANG TAGURI’Y BATANG-HAMOG.

SA ORAS NA TIRIK ANG HARING ARAW,

KATAWANG NAABUSO’Y TILA SA APOY NADADARANG.

KUNG GABI’Y PAYAPA, MALIWANAG ANG BUWAN,

KATAWANG PATANG PATA, SA PAWIS AY NALIGO TILA.

LUMIPAS ANG ILANG LINGGO, KATAWA’Y NANGANGAYAYAT.

UBO’Y LUMALALA AT DI NAIPASUSURI, PAGKAT DI SAPAT ANG KINIKITA.

KATAWA’Y NAGING MARUPOK AT MADALING NAPAPAGOD,

DAHIL SA KAKAUBO’Y SOBRANG SAKIT NG LIKOD.

SA BANGKETANG PINAGLALAGIAN, DINADAANAN NG MGA TAO.

IBA’T IBANG KLASE NG TAONG KARAMIHA’Y NAGTATRABAHO.

KONDISYON NG KANYANG KATAWA’Y MAS LALONG LUMALALA,

BUTI AT MAY NAGMAGANDANG LOOB AT IPINATINGIN ANG BATA.

PINASURI ANG KATAWAN SA PINAKAMALAPIT NA HEALTH CENTER,

SA KASAMAANG PALAD, ISANG SAKIT NA NANUMBALIK ANG NAKITA.

MAS MALUBHANG TUBERKULOSIS ANG SIYANG INAAKALA,

KUNG KAYA’T INIREFER SA MAS DALUBHASA.

ANG MGA SINTOMAS NA SIYANG NARARAMDAMAN,

KAALINSABAY NG MGA RESULTA NG LABORATORYO,

IMINUMUNGKAHI NITO ANG MAS MASINSINANG GAMUTAN

NA SIYANG HUDYAT SA PAGKAKAALIS SA BANGKETA KAHIT PANANDALIAN.

LABINGWALO HANGGANG DALAWAMPU’T APAT NA BUWAN

ANG SIYANG BIBILANGIN PARA SA TUTOK NA GAMUTAN.

LILISANIN ANG BANGKETANG KINALAKHAN AT TINULUYAN,

SIYA’Y KUKUPKUPIN AT MAWAWALAY SA PAMILYA PANANDALIAN.

ISANG HALF-WAY HOUSE KUNG SAAN SIYA MANANATILI,

ISANG TAHANAN KUNG SAAN SIYA’Y MAGPAPAGALING.

SA LOOB NG 18-24 NA BUWAN NA GAMUTAN,

WASTONG NUTRISYON AT PAHINGA’Y MAGING SAPAT AT DAPAT IPANATILI.

Lahok sa Saranggola Blog Awards 5

Saranggola 336x280

dmci homes logo





Metro Shuttle Coasters

21 06 2013

There are many ways of going to North Davao. It can be by your own private car, jeepney, taxi, van or bus. One additional way going there is with a coaster. It is smaller than a bus, but bigger than the van and jeepney. It can accommodate around 23 passengers.

So, I just tried it to know and experience how it is. So far, the fare is a bit high but with convenience. The terminal of the coasters can be located in Abreeza Mall. It costs a passenger around 120 pesos from the mall to Tagum City.

So far, with my experience. It is cozy inside but sometimes bumpy along the round. It takes an hour only of travel time. At least it is faster than a bus.🙂

Experience Davao more!

Madayaw!🙂





Toys are Here Again!!!

10 05 2013
Mindanao Toy Convention Year 4

Mindanao Toy Convention Year 4

It is the fourth year of the Mindanao Toy Convention. It is a toyrific event here in Davao City. Many toy enthusiasts flock at the Gaisano Mall of Davao to showcase their wonderful collection of toys. This Toy Convention has started May 6, 2013 until May 12, 2013.

On the 12th of May 2013, there will be a cosplay at the event. So, if you are in Davao City at that time, take a visit at the Atrium of Gaisano Mall to witness some cosplayers to do some acts of their favorite anime.🙂

I have another blog, it is the http://www.scenesandcuisines.info, you can also check some photos there.🙂

Thank you for your continuous visit on my page.🙂

Madayaw!