Walong Bagay Tungo sa Pilipinas 2030

15 11 2014

Ang tinatamasang kaunlaran ng Pilipinas ay bagay na dapat ramdam ng LAHAT ng mga mamamayan. Ang mga mamamayan na siyang bumubuo sa pundasyon ng ating bayan at tumutulong sa paggulong ng ating ekonomiya. Di dapat isaalang-alang ang mga tao sa pag-unlad at dapat nababanaag ang pagnipis ng agwat ng mga mayayaman at mahihirap…

Sa kasalukuyan, marami pang dapat gawin sa ating bayan upang mas ramdam ang saganang natatamo. Ang dami ng mga industriyang nangangailangan ng paglilinang upang makapagbigay ng trabaho sa nakakarami, at magtataguyod ng pangmatagalang kaunlaran sa ating bayan. Subalit, bawat isa sa atin ay inaasahan ring magbibigay ng kanya-kanyang ambag para sa kaunlarang pangmatagalan. Di lamang ito responsibilidad ng pamahalaan, kundi responsibilidad ito ng lahat.

Iwan na muna natin ang paninisi nang kung sinuman na siyang balakid sa ating lubos na pag-unlad. Gawin nating hamon sa bawat isa at pamahalaan ang walong bagay o gawain na nawa’y makakatulong sa pagkamit ng wagas na kaunlaran. Halika at isa-isahin natin…

Una, magbigay tayo ng respeto sa bawat isa.

Sa pinakasimpleng pagpapahayag, ang pagrespeto sa kapwa ay magiging daan para rerespetuhin ka rin nila.

Ito ang isang bagay na kalimitang nakakalimutan ng mga tao. Dahil sa pagiging kumpetitib ng mga tao, di maiiwasang nagkakasakitan mauna sa pila o makapasok sa pintuan ng tren.

Huwag sana nating ipagwalang bahala ang pagrespeto sa kapwa at ito ang tiyak na aahon sa atin sa anumang pagsubok sa hinaharap. Ang kapwang nagrerespetuhan ay kapwang panatag ang loob kahit saan man mapadpad.

Ikalawa, bigyang halaga ang mga pampublikong proyekto

 

Isa sa pinakamagandang pampublikong proyekto sa bansa ay ang mga light rail transit o LRT at ang metro rail transit o MRT. Ito ay nakakatulong sa mas mabilis na transportasyon sa Metro Manila at sa murang halaga. Kahit anong ganda ng proyektong ito, tila ang mga taong desperadong makasakay para di ma-late sa trabaho o eskwela ay nagiging dahilan ng unti-unting pagkakasira ng tren. Hinahabol at pinipigilan ang pagsasara ng pinto ng tren kung kaya nagkakaaberya. Sana maunawaan rin ng marami na ang dumaan na tren ay may kasunod na tren; at ang huling gumising, mahuhuli sa pagpasok sa trabaho o opisina.

Isaisip rin sana natin na ang mga proyektong pampubliko na ginawa at nakatayo sa mga lansangan ay pinaglaanan ng buwis. Hangad natin ay maramdaman ang katas ng ating buwis sa pamamagitan ng pagkakaorganisa ng pampublikong sistema na nasa ayos.

Ikatlo, gawing may saysay ang kinikita.

Ano nga ba ang dahilan ng ating paghahanapbuhay? Upang kumita, di ba? Ano namang dahilan bakit gusto nating kumita? Para sa kinabukasan naman yun, tama ba?

Ang a-kinse at a-trenta ang pinakamayamang araw ng manggagawa – araw ng mga libonaryo ang madalas na tawag rito. Ngunit, datapwat at subalit, tinatapatan ito ng mga dambuhalang malls ng mga payday sale. Heto naman ang dakilang manggagawa, nahihikayat na sumilip at mapapabili nang di sa tamang panahon. Ngunit, bago ang lahat, gawing may saysay ang kinikita. Matutong magbudget at di lang puro gastos hanggang sa maubos ang kita. Simpleng formula gaya ng KITA bawasan ng IPON at ang matitira ay ipambubudget sa mga kailanganin at ang sobra ng budget ay para sa GUSTO. Di mahirap na formula na tiyak makakatulong sa bawat isa at ang kita ay mailalaan sa mas mahalagang bagay.

Pang-apat, unawain na ang lansangan ay di basurahan.

Nakakalungkot at nakakadismayang makita kahit matatanda ay nagtatapon ng kahit balot ng kendi kahit saan. Minsan pa ay lumilipad ito at napapadampi sa mukha ng kung sinuman – matatawa lang din ang siyang nagtapon.

May mga naglilinis nga sa mga lansangan araw-araw na kung tawagin ay mga metro aide. Ngunit di lang nila responsibilidad ang maglinis. Ito ay reponsibilidad nang lahat. Mas matutuwa pa akong walang makikitang metro aide sa lansangan at ibang trabaho aatupagin nila. Dahil ibig sabihin lang ng ganun ay ang mga mamamayan ay mulat at alam kung ano at saan ang basurahan. Tipong pati ang mga bata marunong magtapon ng simpleng basura sa tamang basurahan. Ito ay simpleng bagay na malaki ang magiging kontribusyon sa kalinisan at pagiging mature ng mga tao sa bagay na ito.

Panlima, tangkilikin ang produktong atin.

Natatawa ako sa ikot ng mga produktong galing sa atin. May mga kuwento ang mga turistang pinoy na nawiwili sa mga produktong nasa labas ng bansa at binibili ang mga ito. Di nila alam at huli na nilang nalalaman na ang mga ito ay gawa sa atin at mas mura pa sana ang bili nito sa atin. Oo, tinangkilik nga naman ang sariling atin ngunit di naman alam na iyon pala ay gawa sa atin.

Isa pang halimbawa ay ang sa produkto ng mina gaya ng uling. Magaganda ang kalidad ng ating uling kung kaya may yabang tayong nag-iimport ng mga ito sa ibang bansa. Ngunit, sa di malamang dahilan ay maraming planta ng enerhiya sa bansa ang umaangkat ng mga uling para paganahin ang mga ito. Mas mura sana ang kuha ng uling sa sariling bansa kaysa sa pag-aangkat ng mga ito sa iba, tiyak din sana na mas mura ang presyo ng enerhiya niyan.

Lagi sana nating isipin kung saan gawa ang mga produktong binibili at ginagamit natin. Sa ganitong paraan, ang mga manggagawa ng mga kumpanyang gumagawa ng mga produkto ay patuloy na may trabaho. Wika nga sa ekonomiks, habang may demand hahabulin ito ng suplay ngunit di sana mahal.

Ika-anim, hikayatin ang pamumuhunan sa produksyon.

Madaming malls ang itinatayo na parang mga kabute, tila nagpapahiwatig ito na ang Pilipinas ay isang bansang malaki ang porsyento ng mga mamimili. Magaling tayo sa pamimili ngunit kulang na kulang tayo sa mga pasilidad na magbibigay daan sa mas maraming produksyon. Karamihan ng mga nabibili ay inaangkat na mga kagamitan. Ang ganitong uri ng ekonomiya ay nagpapahina sa pundasyon ng produksyon sa hinaharap. Mawawalan ng trabaho ang mga nasa sektor ng produksyon at aasa na lagi tayo sa produkto na di galing sa atin.

Kung kaya’t hikayatin natin ang mga namumuhunan na mamuhunan sa mga pasilidad ng pamproduksyon. Ang mga pasilidad ring ito ang madadala ng mga produkto natin sa labas ng bansa. Ang mabuting produksyon ay magiging susi natin sa mundo at ang magtataguyod ng maraming trabaho sa bansa.

 

Ikapito, Ibandera ang pagkakaroon ng mas epektibong transportasyon.

Naitampok natin na ang mga tren sa ikalawang halimbawa. Ngunit, di lamang mga tren ang solusyon sa matinding trapik sa kalakhang Maynila. Iba’t ibang uri ng transportasyon ang makikita natin sa mga lansangan. Kasali na rito ang tren, mga bus, jeep at tricycle. Kasabay ng mga sasakyang ito, sumisikip lalo ang mga lansangan dahil sa dami ng mga taong nagcocommute. Di naman natin masisisi ang mga tao sa pagcocommute sa kadahilanang iyon nga ang Public Utility Transport System natin. Ngunit, subalit at datapwat, kailangang umayon ang mga transportasyon natin sa pangangailangan o dami ng mga mananakay. Di ba naiisip muli ang paglalagay ng mga dalawang palapag na mga bus? Iisa ngunit marami ang maisasakay na mga manananakay. Tipong may nakakaupo o nakakatayo saan man sa palapag ng bus na ito.

Di na masama kung maraming ganito sa mga lansangan ng Maynila at karatig lungsod. Mas maraming bus na dalawang palapag, maraming mananakay ang maisasakay, mas kukunti sasakyan sa lansangan, masa matiwasay ang mga daanan at di buhul-buhol ang trapik.

Pangwalo, gawing pangkalahatan ang mga pagpaplano.

Ang plano ay ginagawa pagkatapos ng masusing pagtukoy ng mga maaring problema sa isang sistema na gusto nating resolbahin. Sa pamamagitan rin ng pagtukoy ng mga problema, malalaman natin ang mga nakagawiang tugon sa mga problema at maaaring maimungkahi ang bagong pamamaraan ng pagsasaayos ng problema. Hay naku, puro problema… Dahil sawang-sawa na tayo sa pampublikong problema, ito ay lalaanan ng solusyon. Ang paglalapat ng mga bagong solusyon ay kailangang may nakalaang haba ng panahon na ito ay susubukan at gagawan ng ebalwasyon. Kung di naging maganda ang ebalwasyon, tutukuyin ulit ang mga naging problema at hahanapan ng solusyon; muling susuriin kung naging epektibo hanggang sa makuha ang pinakaangkop na pamamaraan o sistema para sa isang sitwasyon. Ipasok natin rito ang pagpaplano lalo na kung may mga sakuna at delubyong pumasok sa ating bansa. Tiyak, ang maayos na pagpaplano ay magbibigay ng daan sa maayos na pamahalaan.

Iilan lamang iyon sa mga bagay na tiyak magdadala sa atin sa isang maunlad na Pilipinas sa hinaharap. Di man perpekto, ngunit ito ang mga bagay na simple at kayang gawin kahit ng ordinaryong mamamayan.

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 6.

Saranggola 336x280

Advertisements

Actions

Information

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s




%d bloggers like this: