Pagsubok ng Dialysis

31 10 2015

“Oyyy… Good morning Sir! Musta na po?” isang bati ni Daniel sabay haplos sa kamay ng kanyang pasyente.

“Oyyy… Mabuti naman ako…ito, nagpapadialysis pa rin. Sino ka nga? Ipagpasensya mo na, di ko matandaan ang tinig at haplos mo,” tanong ni Gaudencio na pilit inaalam ang tinig ni Daniel.

“Si Daniel po. Ikaw talaga, Sir, kinakalimutan mo ako agad,” may birong tampo na sagot ni Daniel.

“Loko kang bata ka… Nakalimutan mo rin na malabo na mga mata ko at sa tinig o haplos lang ako nakikiramdam, dahil kasi sa taas ng blood sugar ko,” tugon naman ni Gaudencio.

“Di ka na nga mabiro, Sir,” sabi ni Daniel sabay tapik sa kamay ng kanyang pasyente.

“Loko ka talaga, bantayan mo na nga lang ako para di kita makalimutan at dir in malilimutan sa makukuhang mana,” sagot naman ni Gaudencio at parehong nagtawanan sila ni Daniel pagkatapos.

Isang nars si Daniel at isa sa mga pasyente nila sa Gaudencio na dating sikat na chef. Halo-halo ang mga pasyente nila sa dialysis center, may mga maykaya at hindi. Ngunit, pagdating sa loob ng center, pantay-pantay ang turing ni Daniel sa kanila.

Ang pagiging isang nars ng dialysis ay hindi madaling gawain araw-araw. Baon dapat araw-araw ay sandamakmak na kuwento at pag-aalaga. Bilang nars, walang pagkukulang si Daniel sa pag-aalaga at buti nalang rin may dala siyang kuwento araw-araw at nakikinig sa mga kuwento ng pasyente at kasama nila.

“Sir Daniel! Long time no see ah, sa itaas ka ba nakaassign last week?” tanong ni Lorna na isa ring pasyente ng dialysis na nagbebenta para may maipangdialysis.

“Oyyy… Hello, Ate Lorna, opo, sa taas ako nakaraan kaya di ko natikman mga benta mo, magbranch out ka na rin kasi sana doon ate para di ko mamiss mga benta mo,” pakikipaglaro na sagot ni Daniel.

“Kung kaya ko lang sana, Sir, why not diba, dagdag kita rin iyon para pangdialysis,” tugon ni Lorna sabay kindat.

Tumawa si Daniel at sabay tanong na, “Ano ba meron ngayon ate, may turon ka bang may langka?”

“Meron Sir, para sayo…ilan ba kukunin mo?” sagot na benta mode si Lorna.

“Sige, dalawa. Pero mamaya ko na kukunin ah, sisimulan muna natin ang iyong dialysis, ako na tutusok sa’yo,” paniniguro ni Daniel na masisimulan ang dialysis sa tamang oras at nang makauwi rin agad mga pasyente.

“Orayt, Sir…Rakenrol mo lang, at least di mabigat tutusok ngayon, nabugbog iyan last week at para akong pinag-aaralang palaka dahil ang bigat ng mga kamay nila,” panatag na tugon ni Lorna at sabay sumbong sa nangyari.

“Kaya pala nagkapasa itong braso mo Ate Lorna, sige, iiwasan muna natin sa may pasa ah, bagong site ang tutusukin ko,” pagpapapanatag ni Daniel kay Lorna.

“Sige Sir, ikaw bahala, may tiwala ako sa’yo,” sagot ni Lorna sabay tusok ni Daniel na may konting kirot na naramdaman.

Ang mga pasyente ay apat na oras na nakaangkla sa mga makina ng dialysis. Apat na oras na nililinis ang kanilang mga dugo at pagbabawas ng tubig sa kanilang katawan. Sa panahon rin ng dialysis madalas parang nakawalang ibon ang mga pasyente sa dahilang nakakakain at nakakainom sila sa pagkain o inuming gusto nila na madalas bawal. Bawat trento minutos naman, minomonitor ang blood pressure ng mga pasyente at di hahayaang bababa ito.

“Sir Alvin, Rocky at Ate Violy, kumusta naman po?” pangungumusta ni Daniel sa iba pang mga pasyente.

Si Violy tulog.

“Ayos naman, Sir, kain po tayo,” tugon ni Rocky. “Salamat Rocky, pakabusog ka,” sagot ni Daniel.

“Medyo nahihilo ako, Sir,” tugon rin ni Alvin.

Tiningnan ng maigi ni Daniel ang mukha ni Alvin pati na ang makina, at sabay sambit na, “Sir, parang malakas ata ang hatak ng dugo natin kaya ka nahihilo, papahinaan ko po ah…hanggang 300 (mL kada-minuto) naman po kadalasang hatak niyo, nagpa-350 ka ngayon, advise po ba ni Doc ito?”

“Tinry ko lang po, Sir. Pinakiusapan ko kasama niyo na gawing 350 dahil napasabak ako nakaraan sa pista, napakain ng maraming bawal at napainom rin,” tugon naman ni Alvin.

Napakamot sa ulo si Daniel sabay ngiti, “Kaya naman pala, ibabalik natin sa 300 ang hatak ah at babalikan kita mamaya.” Lumingon naman si Daniel sa kabilang makina at nakitang bumababa ang blood pressure ni Violy.

“Ate Violy, gising po… Ate Violy… Kumusta po?” panggigising ni Daniel kay Violy.

“Sir? Ano po iyon?” tanong ni Violy.

“Kumusta po kayo, sabi ko, medyo mababa na po kasi ang blood pressure niyo, 80/60,” pag-uulit ng tanong at pag-aalala ni Daniel.

“Antok ako, Sir. Napagod ako sa biyahe papunta rito para sa dialysis. Sige po, Sir, kakain na po muna ako,” sagot ni Violy.

“Sige po, babalikan ko po kayo, mamaya ah,” wika ni Daniel.

Isa sa laging nagsusupervise si Daniel sa mga pasyente kahit di nakaassign sa kanya. May ibang mga nars kasing di madalas nasa tabi ng pasyente upang magmonitor. Nang biglang nagkagulo sa may hintayan ng dialysis center at lumapit si Daniel.

“Ano ba ang gagawin namin, Ma’am? Bakit di pwedeng madialysis? Hirap na hirap na po sa paghinga ang anak ko, pinabalik-balik na kami rito!!!” galit na galit na pagkikipag-usap ng ina ng isang bagong pasyente.

“Ma’am, wala po tayong magagawa diyan dahil iyan ang polisiya!” pagmamatigas ng staff ng dialysis center at dagdag pa nito, “Kung wala pong bayad na bill, wala pong dialysis…naipaliwanag naman po iyan bago pa kayo nagsimula. Sino ho ba ang nag-orient sa inyo? Pang-ilang dialysis niyo po ba rito?”

“Ikatlong session pa po namin rito. Nagkulang po kasi ang pera namin dahil may dumukot sa pitaka ko. Ma’am para niyo nang awa,” umiiyak na nagmamakaawa ang ginang.

“Ma’am Jen, huminahon ka nga… Ale, ano po ba ang problema? Ako pa naman ang nag-orient sa inyo,” mahinahon na pagpapagitna ni Daniel sa dalawa.

“Sir, naiintindihan ko po polisiya niyo, pero nagmamakaawa po ako na sana madialysis ang anak ko kahit promissory note lang po muna, dinukot po kasi ang pitaka ko habang papunta rito. Sir, para niyo na pong awa,” pagsusumano ng ina para sa kanyang anak.

Di ipinapakita ni Daniel na nadudurog siya sa mga nangyayari at hindi niya maisasaalang-alang ang anumang polisiya na meron ang institusyon kung kaya’t sabi niya sa ina, “Ale, naiintindihan ko po ang sitwasyon niyo, gaya po ng sabi ni Jen na sa staff namin rito, ‘walang bayad na bill, walang dialysis’. Naipaliwanag ko rin po sa inyo noong inorient ko kayo na ang bayad na ito ay di mapupunta sa amin kundi bayad po sa mga makinang ito na nirerentahan lang din namin. Pero ito po pwede nating gawin, pumunta po kayo sa social service counter at maaari po silang makapagbigay nang konting suporta para sa pagpapadialysis.” Umalis na rin si Jen sa pag-uusap at may tawag na sasagutin.

“Kanina pa po kami pabalik-balik ng anak ko, Sir. Hapong-hapo na po siya,” dagdag ng ina.

“Pwede naman po rito muna maupo ang anak niyo at maaari niyo pong puntahan doon sa social service nang maasikaso ang bayad ng bill para sa dialysis. Pagpasensyahan niyo na po si Jen, at sinusunod niya lang po ang polisiya ng institusyon,” pagpapanatag na wika ni Daniel.

“Sige po, Sir. Maraming salamat po sa mungkahi niyo. O, anak, dito ka muna ah, ako nalang ang pupunta doon sa social service para makapagpadialysis ka,” nangingilid ang luha ng ina na naging kampante na rin sa suhestiyon ni Daniel.

“Sige po ale, puntahan niyo sa social service. Iho, diyan ka lang ah, ayan oh, may ibang pasyente na rin na pwedeng magbabantay sa iyo habang inaantay mo si nanay,” wika ni Daniel.

Sumagot ng tango ang bata at sabay ngiti kay Daniel at dahan-dahang umupo sa silya ng hintayan.

Sa kabilang banda, pinuntahan ni Daniel si Jen at kinausap, “Jen, anong nangyari? Pinapatulan mo ang watcher kanina…” Sumagot naman si Jen, “Ayan ka na naman eh, nagbibida-bidahan. Iyon naman talaga ang polisiya natin at dapat nakatatak na iyan sa mga pasyente at watcher natin.”

“Umayos ka Jen ah, anong bida-bidahan ang sinasabi mo…maraming paraan na pwedeng gawin para di tayo mamatayan ng pasyente, maaatim mo bang mamatay iyong bata dahil ipaglalandakan mo ang polisiya ng institusyon ni wala kang suhestiyon kung papaano maaaring makakuha ng pambayad para sa bill yung ina ng bata,” pagsasalaysay ni Daniel.

“Oo na, mali na ako…lagi naman eh,” nagdadabog na wika ni Jen.

“Babae ka pa naman sana pero ang tigas mo…” sambit ni Daniel at pinuntahan muli sina Alvin at Violy.

“Anong nangyari doon, Sir?” tanong ni Alvin.

“Hayaan mo na iyon, mga bagay na naranasan niyo na dati, ‘kung walang bill, walang dialysis’,” salaysay ni Daniel sabay ngiti at dagdag niya kay Alvin, “nawala na ba ang hilo mo?”

Nakangiting sagot ni Alvin, “mabuti na ang pakiramdam ko, Sir. At least ramdam kong nalinis na ang nakain ko sa pista.” Tapos nagtawanan sina Daniel.

“Ikaw naman, Ate Violy, chek natin ang blood pressure mo…saglit ah…(ilang sandali lang) ayan, 100/70, kain lang pala ang kailangan mo, Ate Violy,” at umaalik-ik si Daniel na nakikipag-usap.

“Oo nga po, Sir. Kain lang kailangan. Salamat po, Sir,” tugon ni Violy.

“Sige po, pupuntahan ko muna si Ate Lorna, at nagugutom na ako, meryenda muna nang turon ni Ate Lorna,” wika sabay punta kay Lorna para sa turon na may langka.

Ilan lamang iyon sa mga pangyayari sa loob ng dialysis center. Iba’t ibang grupo ng mga pasyente ang maaaring makakasalamuha at iba’t ibang problema rin ang maaaring maranasan. Pati mga ugali ng tao, iba-iba.

Riiinngggg…. Riiinnnngggg…. Riiinnnngggg….

“Hello, good morning, dialysis center. Si Daniel po ito, ano pong maipaglilingkod ko,” sagot ni Daniel sa telepono ng center.

“Hello po, sa ICU po ito, Sir, si Glenda. May pasyente po kaming idialysis mga 2:00 o’clock ng hapon. Ieendorse ko po sana,” salaysay ni Glenda.

“Sige po, Ma’am,” tugon ni Daniel at sabay sulat sa mga inendorse ni Glenda.

Pagkatapos makuha ni Daniel ang mga impormasyon, inendorse niya rin ito sa in-charge na si Ruben, “Ben, para mamayang hapon raw iyan mga alas-dos.” “Alang problema, Sir,” tugon ni Ruben. Bigla namang nagsitunog ang mga makina, dahil nagkaroon ng problem sa tubig. Lahat ng mga nars ay nagsipuntahan sa mga makina, pinagpapatay ang tunog nito at sinabihan ang mga pasyente na huwag mabahala at panandalian lamang iyon. Halos lahat ng mga pasyente ay naalarma rin at baka matigil ang kanilang dialysis liban kay Gaudencio.

“Doc, si Gaudencio po…kanina pa tulog, gising pa naman siya kanina pagkasimula at stable ang vital signs,” wika ni Myrna na nars na nakabantay.

“Subukan mong gisingin, Ma’am, at ichek na rin ang blood sugar niya baka mababa o sobrang taas na,” tugon ng doctor nila sa dialysis.

“Sir Daniel, pakitingnan po muna si Gaudencio, kukuha lang po ako ng pangchek sa blood sugar sa itaas kasi naubusan na tayo ng stock,” pasuyo ni Myrna kay Daniel.

“Sige Myrna, ako na muna bahala sa kanya,” tugon ni Daniel.

Nilapitan rin ng doktor si Gaudencio at sinubukang gisingin ito at dahil ayaw magising, marahil tulog, sinubukan niyang gamitan ng penlight ang mga mata ni Gaudencio kung may reaction pa. Medyo nag-aalala ang doktor, kung kaya’t tinawagan niya ang kanilang consultant para sa i-report ang kondisyon ng pasyente at kung anong abiso maaaring gawin. Lumapit rin si Daniel kay Gaudencio at sinubukang gisingin ito.

“Sir… Malapit na po kayong matapos, isang oras nalang po… Gising na…,” wika ni Daniel ngunit walang reaction mula kay Gaudencio. Sinubukan niya ulit at inilapit sa tenga ni Gaudencio ang bibig upang mas marinig habang hinahawakan ang kamay ng pasyente, “Sir.. Gising na po… Malapit na po kayong matatapos, iiwanan mo na naman ako.”

Biglang gumalaw at lumingon kay Daniel si Gaudencio, “Arrhhh, sino yan?”

“Ang bilis mo talaga akong nakakalimutan, si Daniel po…,” may lambing na wika ni Daniel.

“Ikaw pala iyan, anak, ano ba nangyari? Bakit iiwan?” tanong na naalimpungatan si Gaudencio at lumapit ang doktor.

“Hay salamat, tay, kanina pa po kasi namin kayo ginigising at parang ang lalim ng tulog niyo,” wika ng doktor kay Gaudencio at dagdag pa ni Daniel, “Oo nga Sir, kaya bumubulong na ako sa iyo…kasi lalim ng tulog mo at malapit ka na matapos.”

“Ay, ganun ba, wala kasi yung bantay ko, si Ate Shirly mo at di rin naman ako kinakausap nung nagbabantay sa aking nars, kaya nakatulog ako,” tugon ni Gaudencio kina Daniel at sa doktor habang paparating si Myrna.

“Ayan po, si Myrna, ichechek niya po blood sugar niyo,” sambit ng doktor.

“Hi Sir, ichechek lang po natin blood sugar niyo ah…ayan, 70, mababa po, Sir. Kain po kayo kahit konti,” wika ni Myrna.

“70, sige tay, kain po muna kayo konti o inom ng juice,” wika ng doktor.

“Mababa nga, 70, iha, pakibilhan mo nga ako nung turon ni Lorna dalawa, may bente rito sa bulsa ko,” pakiusap ni Gaudencio kay Myrna habang nasa tabi lang rin si Daniel.

Nilapitan ni Daniel ang doktor at nagtanong, “ano po kaya nangyari sa kanya, dok?”

“Buti nalang nagising siya, Dan. Nasa state of coma na siya kanina nung tiningnan ko,” tugon ng doktor.

“Buti na nga lang dok at nagising siya, sige po dok, salamat, tingnan ko muna ibang pasyente na malapit na ring matapos,” wika ni Daniel.

Apat na oras na ang lumipas at natapos na ang mga pasyente. Pinagliligpit na ang mga gamit nila sa dialysis at pati tusok ng mga pasyente ay inaayos nang mabuti. Saglit na pagpapahinga bago tuluyan na umaalis ang mga pasyente at may kasunod na grupo na naman ang siyang i-dadialysis. Yung nanay ng bata sa may hintayan ay nakaupo na rin hawak-hawak ang bill para sa pagdialysis ng anak.

“Guys, linisin nang maigi ang pinag-iwanan ng mga pasyente para sa mga papasok na pasyente,” pagpapaalala ni Daniel sa mga kasamahan. “Yes, Sir,” sabay tugon nina Myrna, Jen at Ruben. “Orayt, rakenrol tayo ngayong araw na ito,” masayang wika ni Daniel.

Gaya nga ng sabi ng iilang pilosopo, likas ang kabutihan ng tao ngunit naiimpluwensyahin ito ng kanyang kapaligiran. Bawat tao, iba-iba ang mga karanasan at nakakasalamuha na maaari niyang dalhin sa kanyang pagkatao. Ngunit iba-iba man ang katangian ng bawat indibidwal, sana pahabain ang pasensya upang matutunang umunawa at irespeto ang kaibahan ng bawat isa.

Ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 7.

Saranggola 336x280

Advertisements

Actions

Information

3 responses

4 11 2015
Dan Mikhael Gahol

Ang galing mo CJ!! 🙂 Ang ganda! 🙂

4 11 2015
Dan Mikhael Gahol

Ang galing mo CJ!! Keep up the good work! Natapos ko sya kasi engaging yung pagkakagawa 🙂

4 11 2015
silaab

Wow Thanks Dan! 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s




%d bloggers like this: