Humanda Ka, Bata

8 02 2020

“Uha, uha, uha!” ang unang sigaw ng sanggol pagkalabas sa sinapupunan ng ina; walang kamuwang-muwang at mahina sa anumang bagay na maaaring harapin. Siya’y kakalingain at aarugain upang lumaking handa sa hinaharap, subalit ang panahon at ilang pagsubok ay maaaring tahakin.

Sa unang mga buwan ng bata ay ang pagkakaroon ng kamulatan sa mga tunog, madalas na paghawak sa mga tao o bagay, ngingiti, tatawa at magsisimulang bumangon mag-isa. Ilang buwan pa ang lilipas ay magsisimula na sa paggapang, pagsambit ng ilang salita tulad ng “nanay” o “tatay”, at maaari nang umupo. Darating ang panahon na tatayo at makapaglalakad – ngayon, handa ka ba sa kinabukasan?

Ang isang bata ay tulad ng isang espongha (sponge) na sisipsip ng tubig sa paligid nito – bagay na paglilinang sa sarili base sa kung anumang nakapaligid. Matututo sa lahat ng bagay, tama man o mali, sapagkat sa isipan ng bata ang isang bagay ay tama dahil ginagawa ng nakatatanda.

Isang salawikain na maaaring gagabay sa lahat patungkol sa pagpapalaki ng anak: “huwag mong ihahanda ang daan sa iyong mga anak ngunit ihanda mo ang iyong mga anak sa tatahaking daan.”

May kalaliman ang salawikain ngunit maaari natin isabuhay para sa mga bata ang iilang bagay na magbibigay ng kahandaan sa kanila. Marahil tatlong bagay ang ating layunin para sa mga kabataan ng hinaharap: una, matutong mangarap at gumawa ng hakbang; pangalawa, maging magalang at isaalang-alang ang lahat ng tao; at pangatlo, isang mamamayang may yabang at marunong sa buhay.

Ang mga makabagong kabataan ay mabilis nakakapag-adjust sa mga makabagong laruan at kagamitan. Lalung-lalo na ang sa paggamit ng smartphone. Sa iisang bagay na ito, tutok ang kabataan sa paglalaro at madalas ginagamit ring pampatahan ng mga umiiyak na bata. Hindi masama, ngunit ang mundo nila ay tila umiikot sa smartphone. Malawak ang mundo at nais nating matuklasan ang mga nakatagong sekreto nito. Maaaring limitahan ang oras ng mga kabataan sa paggamit ng smartphone at lumabas kasama ng ibang bata. Bigyan ng pagkakataon ang mga kabataang gumawa ng mga pangarap at gumawa ng mga hakbang upang makamit ang mga ito. Bawat hakbang ay may kaakibat na resulta; bawat hakbang ay patungo sa paroroonan.

Nais rin nating matuto ang mga bata paano gumamit ng gabay sa direksyon o mapa. Ito ay sa kadahilanang isa ito sa mga bagay na maaaring magmulat sa mga kabataan kung gaano kalaki ang mundo. Hindi lamang ang google maps o waze ang siyang magtuturo ng direksyon, gamit ang ordinaryong mapa ay malalaman natin ang layo at papaano tahakin ang bawat destinasyon. Sa pamamagitan nito, ang bata ay matututo sa proseso at hindi madali ang pagkamit ng minimithing pangarap.

Sa panahon ngayon, maraming kabataan ang pananalita at pag-uugali ay pangmatanda. Ito ay marahil sa nakagisnang mga tao at kapaligiran. Hindi mali, ngunit bigyang diin natin ang respeto at pagsasaalang-alang. Hindi lamang ang iyong sarili ang tanging nabubuhay sa pinupunan mong espasyo – may mga taong nakapaligid sa atin na mabuting bigyan ng pagsasaalang-alang. May lakas boses sa pananalita na maaaring hindi kailangan at di gusto ng iilan. May bagal ng paglalakad na maaari sanang bilisan sapagkat may mga taong nasa likod at di makadaan na maaaring may naghahabol na oras. May ugaling di nagpapaalam makuha lamang ang sariling kagustuhan nawa’y mag-iba pagkat may tao sa iyong harapan, sa gilid at maging sa likod.

Marahil ang pinakaimportanteng bagay na gusto nating ituro sa mga kabataan ay ang pagpapahalaga ng pagbabasa at pag-unawa. Bawat titik, salita at talata ay mayroong kahulugan. Mayroong mga larawang may kahulugan. Hindi masama ang pagtatanong ngunit maaaring magsaliksik upang malaman ang kasagutan. Maraming paraan sa pagsasaliksik at pagpapatunay na ang mga impormasyon ay angkop at totoo tulad na lamang sa paggamit ng smartphone. Si Google ay maaaring gamitin upang halungkatin ang mga sagot sa katanungan.

Marahil ang mga hakbanging yaon ay sagot sa layunin para sa mga kabataan ng makabagong henerasyon. Marahil mga simpleng bagay ngunit angkop pa rin sa kasalukuyan. Marahil ang mga gawaing yaon ay magsasalamin sa salawikain: “huwag mong ihahanda ang daan sa iyong mga anak ngunit ihanda mo ang iyong mga anak sa tatahaking daan.”

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11.

Saranggola 336x280.jpg

 





Mundong Makulay

25 10 2018

“Uhmmm… Ang bango at sariwa ng paligid,” galak na nasambit ni Lucio. Dagdag pa niya, “makulay din ito, may dilaw, pula, kahel at marami pang iba, ang ganda!!!” At tumakbo si Lucio na tuwang-tuwa sa kanyang kapaligiran; nagpaikut-ikot ito at humiga sa madamong bahagi ng kanilang bakuran. Nakatutok si Lucio sa mga punong isinasayaw ng hangin at animo’y naghehele sa kanya at ito’y nakatulog.

“Lucio? Nasaan ka?..,” paghahanap ng ina niyang si Elena. “Anak, nakahanda na ang paborito mong kakanin. Halika na…,” patuloy na wika ng ina habang mahimbing na nakatulog sa bakuran si Lucio.

Lumabas ng bahay si Elena at patuloy na hinahanap si Lucio. “Anak? Halika na… Nasaan ba ang aking pinakamamahal? Kakain na tayo ng paborito mong kakanin.” At nakita ni Elena si Lucio sa bakuran na mahimbing na natutulog. “Andito ka lang pala…(sabay halik sa noo ni Lucio) Anak, gising na… Kakain na tayo ng kakanin,” malambing na paggising ni Elena kay Lucio. Agad namang gumising si Lucio at sabay bigkas, “Nay, kanina pa po kayo? Pasensya na po, nahimbing aking pagtulog… At nay, gutom na po ako…” nakangiting sabi ni Lucio. “O siya, halika na sa loob at makakain ng kakanin,” tugon ni Elena.

Pumasok ang dalawa sa loob ng bahay at dali-daling tumakbo si Lucio sa hapag kainan at buong siglang inisa-isa ang kakaning nakita, “Sapin-sapin!!! Bibingka!!! Uhmmm, sarap!!!” “Hinay, hinay anak… oo, sapin-sapin at bibingka para sa pinakamamahal ko,” tugon ni Elena. “Nay, ang kukulay talaga nitong mga kakanin; may berde, pula at kahel. Kay sarap din po ng mga ito!” masayang namumutawi sa mga labi ni Lucio ang mga salita at si Elena nama’y tahimik na napangiti.

Nanumbalik sa mga ala-ala ni Elena ang mga nangyari sa nakaraan…

Habang nakikipaglaro si Lucio sa mga batang kapitbahay, nakikita ni Elena ang liksi nito sa pakikipaglaro. Naghahabulan… Nasisipagtawanan… Minsan natutumba at gumugulong sa daan kasabay ang mga kalaro. Mayroong mga pagkakataon na dala-dala nila ang mga kanya-kanyang laruan na makukulay at naghahambingan ang mga ito.

Ang laruan ni Lucio ay isang makulay na sasakyang bombero. Napakatingkad ng kulay nito at tuwang-tuwa si Lucio sa paglalaro nito. Ito rin ang ibinibida niya sa kanyang mga kalaro, “tingnan niyo itong bigay ni nanay, isang sasakyang bombero! Pangarap ko maging bombero o ang siyang nagmamaneho ng sasakyang bombero paglaki ko!” “Akin rin, isang sasakyang ambulansya dahil gusto kong maging doktor,” masayang ibinahagi ni Jeffrey ang kanyang pangarap kasabay ng paglalaro. Isa sa mga kaibigan nitong si Dave ay may dala-dala ring makulay na laruan, “ito naman ang bigay sa akin ni daddy, isang spaceship! May baterya ito at kapag ipinaandar ay magbibigay nang maraming ilaw.” Namangha ang mga magkakaibigan nang ipinaandar ni Dave ang laruan na may ilaw na parang sumasayaw kasabay ang maaksyon nitong tunog.

Habang nagkakasayahan sa paglalaro ang mga magkakaibigan, nagsisipagtagisan ng galing sa kulay ang mga ito. Ani ni Jeffrey, “napakasimple nitong laruan ko, puti at kulay pula lamang ang mga kulay.” Medyo nagulat si Lucio sa mga naisambit ni Jeffrey sapagkat, puti at asul ang nakikita niya ngunit di na niya ito masyado pinansin. Si Dave naman ang nagbahagi ng mga kulay ng kanyang laruan, “ito namang akin ay napakaraming kulay! Mayroong dilaw, berde, lila, kahel, pula, asul, ginto at pilak. At mga ilaw naman ay nagsasalitang kulay puti, pula at berde.” Di masyadong naimik si Lucio sapagkat, iba ang nakikita niya sa ipinapakita at itinuturo ng mga kaibigan niya. “Ikaw naman Lucio…,” sambit ni Dave. Ngumiti si Lucio at sabay ibinahagi ang mga kulay ng laruan nito. “Itong laruan ko, napakatingkad ng kulay asul, berde at dilaw!” Nagtinginan si Jeffrey at Dave – nagulat sa mga sinabi ni Lucio. Tugon ni Jeffrey, “hindi naman asul yan… Pula!” Sumang-ayon si Dave at sabay wika, “hindi rin naman berde iyang ilaw ng sasakyang bombero mo, dilaw!” Nagsitawanan sina Jeffrey at Dave. “Ano pa bang nakikita mong kulay, Lucio?” pangutyang wika ni Dave at sabay tanong, “anong kulay sa tingin mo ito? (sabay turo sa pakpak ng spaceship na kulay asul)” Sinagot naman ni Lucio, “Pula!” Sinagot ni Jeffrey si Lucio, “ano ka ba, Lucio, asul iyan. Nababaliw ka na ba?” Depensa ni Lucio, “hindi ako nababaliw!!! Kayo ang nagkakamali, iba-iba ang sinasabi niyong kulay…” Sabay itinuturo ni Lucio bawat parte ng kanilang mga laruan at sabay bigkas ng bawat kulay. Pinagtatawanan nina Jeffrey at Dave si Lucio, sapagkat ang naitamang kulay lamang niya ay ginto at pilak. Kinukutya nina Jeffrey at Dave si Lucio dahil sa natuklasan nilang ito. “Sinong nagturo sa iyo ng mga iyan? Parang nababaliw na rin ata,” tumatawang sabi ni Dave. “Hindi… hindi ako baliw… iyan ang nakikita ko… bakit ayaw niyong maniwala? Asul, berde at dilaw ito…,” sagot ni Lucio na nangingilid na ang mga luha.

Habang pinagmamasdan ni Elena ang mga magkakaibigan, nakita nitong pinagtatawanan na si Lucio ng mga kaibigan at nangingilid na ang mga luha nito. Dali-daling pinuntahan ni Elena si Lucio sabay tanong, “o, anak, anong nangyari?” Sinagot ito ni Dave, “tita, nababaliw na po si Lucio, iba-iba nakikita niyang kulay.” Nagulat at naiiyak si Elena sa sambit ni Dave sabay sabi, “di nababaliw si Lucio, Dave. Sige, uuwi na kami.” Patuloy na kinukutya nina Dave at Jeffrey ang kapansanan ni Lucio at di lamang umiimik si Elena kahit napasakit sa kanyang damdamin ang mga nangyari.

Mula noong nangyari iyon, malimit na ipinapalabas ni Elena si Lucio kasama nina Dave at Jeffrey. Nadiagnose si Lucio na may diperensya sa mata na pagiging color blind. Matagal nang napansin ni Elena ang problemang ito at naipatingin sa doktor ngunit di niya nasasabi kay Lucio. Ayaw niyang maging dahilan ang kapansanang ito nang pambubully kay Lucio, ngunit nangyari ito.

Piniling i-home school ni Elena si Lucio upang maiwasan ang lalong pambubully kay Lucio. Sa umaga, pagtuturo kay Lucio ang inaatupag ni Elena at sa hapon naiiwan si Lucio sa bahay dahil may inilalako itong mga paninda. Naging masayahin at mabuting bata si Lucio, sinusunod ang mga bilin ni Elena habang wala ito.

Dahil sa kapansanan ni Lucio, madalas ginagabi si Elena sa pag-uwi dahil sa paglalako. Madalas rin, dinadaanan niya ang isang eye center na may nakadisplay na salaming nababagay kay Lucio. “Balang araw mabibili ko ito para kay Lucio,” sambit ni Elena at sabay dagdag, “mas makikita ni Lucio ang makulay na mundo gamit ang mga ito at magiging isang magiting na bombero.”

Ilang buwan ring pinag-ipunan ni Elena ang salamin at ang musmos na si Lucio ang tanging nasa isip nito. Dumaan muli ito sa eye center dala-dala ang naipong pera upang bilhin ang espesyal na salamin. Abot tenga ang mga ngiti ni Elena nang nasa kamay na niya ang mga ito. Ito ang ibibigay niyang sorpresa kay Lucio sa espesyal na araw nito.

Nanumbalik sa kamalayan si Elena kasama ni Lucio…

“Nay… Nay… Kain na po tayo,” sambit ni Lucio. “Pasensya ka na anak, may naaalala lang ako…,”tugon naman ni Elena. Dagdag pa nito, “alam mo bang espesyal ang araw na ito? May regalo si nanay…” “Talaga po? Nakakapanabik naman po iyan inay! Ano pong meron?”, pananabik na wika ni Lucio. “May regalo lang si nanay, ito…suotin mo,” nagususumamong wika ni Elena nawa’y maging maganda na paningin ni Lucio.

Isinuot ni Lucio ang mga salamin. Tumingin siya sa paligid. Nanibago ang kanyang paningin. Wika nito, “Nay, ang ganda po ng paligid…berde po pala ang bakuran. (naiiyak si Elena at si Lucio) Makukulay na pula ang mga bulaklak… Nay… (nangingilid na mga luha ni Lucio) Salamat po! Mahal na mahal ko po kayo.” “Salamat sa Diyos… Anak, yan ang mga totoong kulay ng kapaligiran natin… Sana nagustuhan mo ang regalo ni nanay,” tugon ni Elena.

Binigyan ni Lucio nang mahigpit na yakap ang kanyang ina habang nangingilid ang mga luha nito sa tuwa. Hindi lubos mapigil ni Elena ang saya, pagpapasalamat at nagbunga ang kanyang paghihirap upang makita ni Lucio ang totoong kulay ng kapaligiran. Marahil madalas napapansin sa mga kalalakihan ang color blindness, ang pagsisikap ni Elena upang matugunan ang pangangailangan ng anak ay isang regalong di matatawaran at nawa’y makamtan nito ang pangarap na maging bombero. Para kay Lucio, nakikita na niya mundong makulay.

Ito ay lahok sa Sarangola Blog Awards 10.

saranggola-336x280





Shugot!

10 11 2016
  • Political analyst ka na pala ngayon, bumabanat sa mga isyung political. Pakibanatan naman ang iyong algebra, mag-iilang taon na ring paulit-ulit iyan!
  • Mabuti pa ang mga patay dinadalaw tuwing undas; ako na buhay, hindi nabibisita; hinihintay na maagnas – matatanda.
  • Buhay nars, inaalagaan ang may sakit. Pero ang nars nagkasakit, ang laging payo ay alagaan din ang sarili!!!
  • Mayroon tayong mga holidays, maraming nagbubunyi! Pero sa mga nars, laging tanong, “Holiday, ano yun? Duty pa ako besh…”
  • Kung alam mong puno na, huwag mo na ipagsiksikan ang sarili mo. May darating pa dyan. Gaya na lamang sa mga LRT – ang puno ay masusundan din ng mas maluwang. Tiis lang!
  • Anong naging kasalanan ko at ikaw ay tuwing kinsenas lang nagpaparamdam? Tuwing kinsenas na lang rin binubusog… Naging mabait naman ako at laging nasa iyong likuran… – WALLET
  • Lagi mo nalang akong dinadakdakan… Di niyo man lang ako pinapakinggan. Marahil kailangan din natin ng traffic light at nang matuto tayo kung kalian dadakdak at hihinto.
  • Hiling ko sana na ikaw ang magiging kurtina ko… Upang ikaw ang haharang sa paningin ko laban sa mga tukso.
  • Bawal na gamut nalang baa ng nakakapagpasaya sayo? Di naman ako bawal pero mapapasaya rin kita!
  • Mabuti pa ang orasan, umiikot at ang oras ay sinasabi. Ikaw, binilog ako at lahat na ngunit konting pagtingin, wala pa rin.

Lahok sa Saranggola Blog Awards 8.

saranggola-336x280






Limang Pangunahing Bagay na Hangad ng Kabataang Milenyal

10 11 2016

Kapag tinawag kang kabataang milenyal, naiintindihan o nauunawaan mo ba? Ako, oo na medyo hindi na medyo walang pakialam – ang mas importante sa akin ay ang pagiging malaya at paggawa ng mga bagay na makabuluhan. Ngunit dahil madalas naririnig at iniuugnay sa mga makabagong kabataan ang milenyal, marahil mas maiging saliksikin natin ang salitang ito, iugnay sa ating mga pang-araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay at akma ba ang pagkakagamit natin nito.

Ang salitang milenyal ay isa sa mga salita na bagong naidagdag sa diksyunaryong Pilipino. Ito ay nangangahulugan na mga kabataang ipinanganak sa mga huling bahagi ng 1980s at mga unang taon ng 2000s. Sila rin yaong mga kabataang tumuntong sa wastong gulang sa mga unang taon ng 2000s – kung gayon, isa pala akong milenyal! Hindi lamang iyon, sila rin umano ang mga kabataang unang naging sanay sa paggamit ng kompyuter at mga selpon. Dahil sa katangiang ito, ang mga kabataang milenyal ay mas napapansin sa mundo ng internet at nagiging impluwensyal sa pamamagitan nito. May mga pagkakataon rin na ang mga kabataang milenyal ay gagawa ng mga bagay na sabay-sabay at kalimita’y nagtatapos rin ng sabay-sabay. Sa mga pag-uugali, ang mga kabataang milenyal rin umano ay may konting taliwas sa mga konbensyonal na mga paniniwala ng nakakatanda at mas praktikal ang iniisip para sa ikabubuti ng mas nakararami.

Bilang isang milenyal, maraming hangarin ang nais kong makamit habang ako ay nabubuhay. May karamihan man, nais kong ibahagi ang mga pangunahing hangarin na sa tingin ko ay mga bagay na sadyang hinahangad rin ng mga kabataang milenyal. Kung kaya, heto ang limang bagay na magkakaugnay na hangarin ng kabataang milenyal:

Una, pagkakaroon ng wastong impormasyon.

Ang mga kabataan ngayon ay sadyang mas bihasa sa paggamit ng mga teknolohiya gaya na lamang ng mga selpon at tablet. Kadalasan, ito na ang nagiging sangkap sa pagkalap ng mga balita at impormasyon. Di gaya noon na ang mga artikulo sa diyaryo at mga libro ang siyang ginagawang basehan. Dahil sa mga kasanayang ito, ang mga kabataang milenyal ay mas mabilis nakakakalap ng mga balita at pati na rin sa pagpapahayag ng balita.

Subalit, isang malaking hadlang sa pagbibigay ng wastong impormasyon ang pagbibigay ng mga di makatotohanang detalye at pati na rin ang pagpuputul-putol ng mga detalyadong impormasyon. Dahil sa bilis ng pagsagap ng mga balita at pati na rin mga daliri sa paggamit ng selpon, ang mga impormasyong ito ay naibabahagi rin nang mabilis sa kahit saang social networking sites. Ito ay sadyang nakakabahala.

Gayunpaman, maaari naman itong labanan. Ito ay sa pamamagitan ng pagsaliksik ng mga pinanggalingan ng mga balita at impormasyon. Maaari kasi na ang mga nagsusulat ay may bahid nang pagwawasiwas ng mga mahahalagang impormasyon. Maaari ring ang layunin ng nagsusulat o gumagamit ng teknolohiya ay makapanira kung kaya ay kaliwa’t kanan ang pagbabahagi ng mga negatibo at maling impormasyon. Mas maiging maging mapanuri sa mga binabasa at ibinabahaging impormasyon – mas makakatulong ang mga walang pinapanigang manunulat at di nagpapahayag ng sariling saloobin lalo na kung ang isusulat ay balita at hindi editoryal.

Pangalawa, pagkakaroon ng malakas at mabilis na internet.

Sa dahilang karamihan ng mga kabataan ngayon ay gumagamit ng internet, isang mithiin ang pagkakaroon ng malakas at mabilis na koneksyon nito. Unti-unti namang natutugunan ang bagay na ito sa ngayon, subalit di pa sa lahat ng sulok ng bansa ang may malakas at mabilis na serbisyong ito. Ang pagpapabuti ng serbisyong ito ay magbubukas ng mas maraming oportunidad na mas mapabuti ang mga serbisyong pampubliko at pribado. Ito ay sa dahilang may mithiin tayong maging paperless o ang pagbabawas sa paggamit ng papel sa mga opisina at mga transaksyon na ginagawa. Ang pagkakaroon ng mahinang internet ay magiging hadlang sa pagpapatupad ng modernisasyon. Isa lamang ito sa mga pangunahing bagay na magbibigay daan tungo sa malawakang modernisasyon sa bansa.

Pangatlo, pagkakaroon ng epektibo at mabilis na serbisyong pampubliko at pampribado.

Mapapubliko o pribado, hangad nating lahat ang epektibo at mabilis na aksyon. Ang mga serbisyong ating natatanggap ay ating binabayaran. Hangad natin na ang ating binabayaran ay may kaukulang mabilis at maayos na serbisyo. Isang sampal ang pagbabayad ng mahal ngunit ang serbisyo ay napakabagal at madalas mas mabilis ang singil. Akalain mo yun, may mga nagkakaroon ng bayarin kahit walang serbisyong natatanggap… Ito ay isang malaking kalokohan na nararanasan ng karamihan.

Ang pagkakatatag ng mga hotline numbers para sa pagsuplong ng mga katiwalian, reklamo sa mga ahensya ng gobyerno, at mga bagay na may sakuna ay mga hakbang para sa pagpaparamdam na nagtatrabaho ang gobyerno. Ngunit, kaakibat ng mga serbisyong ito ay maayos na teknolohiya at mabilis na koneksyon – marahil ito ay dugtong nung ikalawang hangarin. Ito ay bahagi lang ng modernisasyon ng mga serbisyong pampubliko at hangad nating lahat na saklaw nito ang buong bansa sa mga susunod na taon.

Siguro ninanais lang ng bawat isa, milenyal man o hindi, na ang mga binabayarang buwis at mga serbisyo ay natatanggap nang maayos at hindi yaong para tayong nililinglang pero bayad naman tayo ng bayad.

Pang-apat, pagkakaroon ng mas masigla at malusog na pamumuhay.

Marahil ang iniisip nating pamumuhay ng mga milenyal ay pagiging tambay sa bahay at hawak-hawak ang mga gadgets. Marahil din na ang mga bagay nag-aaliw sa mga kabataang milenyal ay mga pelikulang maaarming panoorin sa mga gadgets at mga musikang sa sariling tenga lamang pinapakinggan. Marahil ay madalas na mga pagkaing fastfood ang kinakain at di gaanong nakakapagluto.

Marahil maraming ganoon, ngunit marami ring aktibo sa mga laro, pakikipaghalubilo sa kalikasan – maging sa pagpunta ng mga karagatan at pamumundok – at pagpapaganda ng katawan sa gym at pagkain ng mga pagkaing akma sa katawan.

Maraming aktibong mga milenyal ang nagpapakita ng kahalagahan ng paglahok sa mga laro na inilalakip kadalasan sa mga social networking sites. Ineenganyo nito ang mga kabataang di mahilig sa mga laro na subukan at maging mas aktibo kaysa walang ginagawa at nakatunganga sa mga gadgets. Maliban sa laro, may mga aktibong milenyal rin ang nagpapakita ng kahalagahan ng pangangalaga sa mga karagatan at bundok. Ligo at akyat sa kahit saang dagat at bundok ng bansa ay nakakatuwa at nakakaantig ng puso ang pagsasagawa ng konting pangongolekta ng mga kalat na naiiwan ng ibang turista sa mga dagat at bundok. Di lamang puro galaw ng katawan ang iniintindi ng isang milenyal, syempre, andiyan na rin ang laman ng katawan – pagkain! Ang impluwensya ng mga artista na may balingkinitang katawan at kumakain ng gulay na inilalakip sa kanya-kanyang social networking site ay nag-iimbita rin sa iba na gayahin ang pagkain ng masustansya. Magandang halimbawa rin ang iilang palatastas sa telebisyon ukol sa masusustansyang inumin at pagkain na mainam sa katawan.

Panglima, pagiging responsable at magalang kahit  sa panahon ng modernisasyon.

May mga pagkakataong tutok sa mga dala-dalang bagay ang mga milenyal. Minsan, nakakalimutang makihalubilo sa mga tao nang maayos at magalang. May salawikaing ingles na nagsasabi na, “respect begets respect”. Ibig sabihin, magbigay tayo ng respeto sa kapwa at ipapalit rin nila ay respeto.

Marahil ay hindi madalas na kapag nagbigay ka ng respeto ay papalitan rin ito ng respeto. Subalit, ibigay pa rin natin ang respeto. Gaya na lamang ng mga nakakabit na mga palatandaan sa daan, marahil ay sa tingin ng iba ay mga palamuti sa daan pero iyong mga yaon ay mga babala na dapat bigyang pansin at respeto sa batas ng lansangan. Hindi dahil nagmamay-ari ng isang sasakyan ay angkin na niya ang daan. Hindi rin dahil ikaw ay may katandaan na, maaari na ang di pagsunod sa mga alituntunin. Kahit ang pagtapon ng basura ay hindi ibinigay na pribilehiyo na kahit saan ito gawin – dapat sa tamang tapunan.

Ang mga kabataang milenyal, gaya ko, ay isang henerasyong makulay, magiliw at nag-iisip. Iilan lamang ang mga hangaring aking naibigay sa maraming listahin na gusto nating mangyari sa ating buhay at bayan. Hangad ko ring maintindihan ng mga kabataang milenyal ang mga pangunahing bagay na ito, pagkat ang mga ito ay sadyang madaling intindihin at gawin. Gawin nating ihemplo ang mga kataga ni Dr. Jose Rizal na, “ang kabataan ang pag-asa ng bayan”.

Lahok sa Saranggola Blog Awards 8.

saranggola-336x280






Pagsubok ng Dialysis

31 10 2015

“Oyyy… Good morning Sir! Musta na po?” isang bati ni Daniel sabay haplos sa kamay ng kanyang pasyente.

“Oyyy… Mabuti naman ako…ito, nagpapadialysis pa rin. Sino ka nga? Ipagpasensya mo na, di ko matandaan ang tinig at haplos mo,” tanong ni Gaudencio na pilit inaalam ang tinig ni Daniel.

“Si Daniel po. Ikaw talaga, Sir, kinakalimutan mo ako agad,” may birong tampo na sagot ni Daniel.

“Loko kang bata ka… Nakalimutan mo rin na malabo na mga mata ko at sa tinig o haplos lang ako nakikiramdam, dahil kasi sa taas ng blood sugar ko,” tugon naman ni Gaudencio.

“Di ka na nga mabiro, Sir,” sabi ni Daniel sabay tapik sa kamay ng kanyang pasyente.

“Loko ka talaga, bantayan mo na nga lang ako para di kita makalimutan at dir in malilimutan sa makukuhang mana,” sagot naman ni Gaudencio at parehong nagtawanan sila ni Daniel pagkatapos.

Isang nars si Daniel at isa sa mga pasyente nila sa Gaudencio na dating sikat na chef. Halo-halo ang mga pasyente nila sa dialysis center, may mga maykaya at hindi. Ngunit, pagdating sa loob ng center, pantay-pantay ang turing ni Daniel sa kanila.

Ang pagiging isang nars ng dialysis ay hindi madaling gawain araw-araw. Baon dapat araw-araw ay sandamakmak na kuwento at pag-aalaga. Bilang nars, walang pagkukulang si Daniel sa pag-aalaga at buti nalang rin may dala siyang kuwento araw-araw at nakikinig sa mga kuwento ng pasyente at kasama nila.

“Sir Daniel! Long time no see ah, sa itaas ka ba nakaassign last week?” tanong ni Lorna na isa ring pasyente ng dialysis na nagbebenta para may maipangdialysis.

“Oyyy… Hello, Ate Lorna, opo, sa taas ako nakaraan kaya di ko natikman mga benta mo, magbranch out ka na rin kasi sana doon ate para di ko mamiss mga benta mo,” pakikipaglaro na sagot ni Daniel.

“Kung kaya ko lang sana, Sir, why not diba, dagdag kita rin iyon para pangdialysis,” tugon ni Lorna sabay kindat.

Tumawa si Daniel at sabay tanong na, “Ano ba meron ngayon ate, may turon ka bang may langka?”

“Meron Sir, para sayo…ilan ba kukunin mo?” sagot na benta mode si Lorna.

“Sige, dalawa. Pero mamaya ko na kukunin ah, sisimulan muna natin ang iyong dialysis, ako na tutusok sa’yo,” paniniguro ni Daniel na masisimulan ang dialysis sa tamang oras at nang makauwi rin agad mga pasyente.

“Orayt, Sir…Rakenrol mo lang, at least di mabigat tutusok ngayon, nabugbog iyan last week at para akong pinag-aaralang palaka dahil ang bigat ng mga kamay nila,” panatag na tugon ni Lorna at sabay sumbong sa nangyari.

“Kaya pala nagkapasa itong braso mo Ate Lorna, sige, iiwasan muna natin sa may pasa ah, bagong site ang tutusukin ko,” pagpapapanatag ni Daniel kay Lorna.

“Sige Sir, ikaw bahala, may tiwala ako sa’yo,” sagot ni Lorna sabay tusok ni Daniel na may konting kirot na naramdaman.

Ang mga pasyente ay apat na oras na nakaangkla sa mga makina ng dialysis. Apat na oras na nililinis ang kanilang mga dugo at pagbabawas ng tubig sa kanilang katawan. Sa panahon rin ng dialysis madalas parang nakawalang ibon ang mga pasyente sa dahilang nakakakain at nakakainom sila sa pagkain o inuming gusto nila na madalas bawal. Bawat trento minutos naman, minomonitor ang blood pressure ng mga pasyente at di hahayaang bababa ito.

“Sir Alvin, Rocky at Ate Violy, kumusta naman po?” pangungumusta ni Daniel sa iba pang mga pasyente.

Si Violy tulog.

“Ayos naman, Sir, kain po tayo,” tugon ni Rocky. “Salamat Rocky, pakabusog ka,” sagot ni Daniel.

“Medyo nahihilo ako, Sir,” tugon rin ni Alvin.

Tiningnan ng maigi ni Daniel ang mukha ni Alvin pati na ang makina, at sabay sambit na, “Sir, parang malakas ata ang hatak ng dugo natin kaya ka nahihilo, papahinaan ko po ah…hanggang 300 (mL kada-minuto) naman po kadalasang hatak niyo, nagpa-350 ka ngayon, advise po ba ni Doc ito?”

“Tinry ko lang po, Sir. Pinakiusapan ko kasama niyo na gawing 350 dahil napasabak ako nakaraan sa pista, napakain ng maraming bawal at napainom rin,” tugon naman ni Alvin.

Napakamot sa ulo si Daniel sabay ngiti, “Kaya naman pala, ibabalik natin sa 300 ang hatak ah at babalikan kita mamaya.” Lumingon naman si Daniel sa kabilang makina at nakitang bumababa ang blood pressure ni Violy.

“Ate Violy, gising po… Ate Violy… Kumusta po?” panggigising ni Daniel kay Violy.

“Sir? Ano po iyon?” tanong ni Violy.

“Kumusta po kayo, sabi ko, medyo mababa na po kasi ang blood pressure niyo, 80/60,” pag-uulit ng tanong at pag-aalala ni Daniel.

“Antok ako, Sir. Napagod ako sa biyahe papunta rito para sa dialysis. Sige po, Sir, kakain na po muna ako,” sagot ni Violy.

“Sige po, babalikan ko po kayo, mamaya ah,” wika ni Daniel.

Isa sa laging nagsusupervise si Daniel sa mga pasyente kahit di nakaassign sa kanya. May ibang mga nars kasing di madalas nasa tabi ng pasyente upang magmonitor. Nang biglang nagkagulo sa may hintayan ng dialysis center at lumapit si Daniel.

“Ano ba ang gagawin namin, Ma’am? Bakit di pwedeng madialysis? Hirap na hirap na po sa paghinga ang anak ko, pinabalik-balik na kami rito!!!” galit na galit na pagkikipag-usap ng ina ng isang bagong pasyente.

“Ma’am, wala po tayong magagawa diyan dahil iyan ang polisiya!” pagmamatigas ng staff ng dialysis center at dagdag pa nito, “Kung wala pong bayad na bill, wala pong dialysis…naipaliwanag naman po iyan bago pa kayo nagsimula. Sino ho ba ang nag-orient sa inyo? Pang-ilang dialysis niyo po ba rito?”

“Ikatlong session pa po namin rito. Nagkulang po kasi ang pera namin dahil may dumukot sa pitaka ko. Ma’am para niyo nang awa,” umiiyak na nagmamakaawa ang ginang.

“Ma’am Jen, huminahon ka nga… Ale, ano po ba ang problema? Ako pa naman ang nag-orient sa inyo,” mahinahon na pagpapagitna ni Daniel sa dalawa.

“Sir, naiintindihan ko po polisiya niyo, pero nagmamakaawa po ako na sana madialysis ang anak ko kahit promissory note lang po muna, dinukot po kasi ang pitaka ko habang papunta rito. Sir, para niyo na pong awa,” pagsusumano ng ina para sa kanyang anak.

Di ipinapakita ni Daniel na nadudurog siya sa mga nangyayari at hindi niya maisasaalang-alang ang anumang polisiya na meron ang institusyon kung kaya’t sabi niya sa ina, “Ale, naiintindihan ko po ang sitwasyon niyo, gaya po ng sabi ni Jen na sa staff namin rito, ‘walang bayad na bill, walang dialysis’. Naipaliwanag ko rin po sa inyo noong inorient ko kayo na ang bayad na ito ay di mapupunta sa amin kundi bayad po sa mga makinang ito na nirerentahan lang din namin. Pero ito po pwede nating gawin, pumunta po kayo sa social service counter at maaari po silang makapagbigay nang konting suporta para sa pagpapadialysis.” Umalis na rin si Jen sa pag-uusap at may tawag na sasagutin.

“Kanina pa po kami pabalik-balik ng anak ko, Sir. Hapong-hapo na po siya,” dagdag ng ina.

“Pwede naman po rito muna maupo ang anak niyo at maaari niyo pong puntahan doon sa social service nang maasikaso ang bayad ng bill para sa dialysis. Pagpasensyahan niyo na po si Jen, at sinusunod niya lang po ang polisiya ng institusyon,” pagpapanatag na wika ni Daniel.

“Sige po, Sir. Maraming salamat po sa mungkahi niyo. O, anak, dito ka muna ah, ako nalang ang pupunta doon sa social service para makapagpadialysis ka,” nangingilid ang luha ng ina na naging kampante na rin sa suhestiyon ni Daniel.

“Sige po ale, puntahan niyo sa social service. Iho, diyan ka lang ah, ayan oh, may ibang pasyente na rin na pwedeng magbabantay sa iyo habang inaantay mo si nanay,” wika ni Daniel.

Sumagot ng tango ang bata at sabay ngiti kay Daniel at dahan-dahang umupo sa silya ng hintayan.

Sa kabilang banda, pinuntahan ni Daniel si Jen at kinausap, “Jen, anong nangyari? Pinapatulan mo ang watcher kanina…” Sumagot naman si Jen, “Ayan ka na naman eh, nagbibida-bidahan. Iyon naman talaga ang polisiya natin at dapat nakatatak na iyan sa mga pasyente at watcher natin.”

“Umayos ka Jen ah, anong bida-bidahan ang sinasabi mo…maraming paraan na pwedeng gawin para di tayo mamatayan ng pasyente, maaatim mo bang mamatay iyong bata dahil ipaglalandakan mo ang polisiya ng institusyon ni wala kang suhestiyon kung papaano maaaring makakuha ng pambayad para sa bill yung ina ng bata,” pagsasalaysay ni Daniel.

“Oo na, mali na ako…lagi naman eh,” nagdadabog na wika ni Jen.

“Babae ka pa naman sana pero ang tigas mo…” sambit ni Daniel at pinuntahan muli sina Alvin at Violy.

“Anong nangyari doon, Sir?” tanong ni Alvin.

“Hayaan mo na iyon, mga bagay na naranasan niyo na dati, ‘kung walang bill, walang dialysis’,” salaysay ni Daniel sabay ngiti at dagdag niya kay Alvin, “nawala na ba ang hilo mo?”

Nakangiting sagot ni Alvin, “mabuti na ang pakiramdam ko, Sir. At least ramdam kong nalinis na ang nakain ko sa pista.” Tapos nagtawanan sina Daniel.

“Ikaw naman, Ate Violy, chek natin ang blood pressure mo…saglit ah…(ilang sandali lang) ayan, 100/70, kain lang pala ang kailangan mo, Ate Violy,” at umaalik-ik si Daniel na nakikipag-usap.

“Oo nga po, Sir. Kain lang kailangan. Salamat po, Sir,” tugon ni Violy.

“Sige po, pupuntahan ko muna si Ate Lorna, at nagugutom na ako, meryenda muna nang turon ni Ate Lorna,” wika sabay punta kay Lorna para sa turon na may langka.

Ilan lamang iyon sa mga pangyayari sa loob ng dialysis center. Iba’t ibang grupo ng mga pasyente ang maaaring makakasalamuha at iba’t ibang problema rin ang maaaring maranasan. Pati mga ugali ng tao, iba-iba.

Riiinngggg…. Riiinnnngggg…. Riiinnnngggg….

“Hello, good morning, dialysis center. Si Daniel po ito, ano pong maipaglilingkod ko,” sagot ni Daniel sa telepono ng center.

“Hello po, sa ICU po ito, Sir, si Glenda. May pasyente po kaming idialysis mga 2:00 o’clock ng hapon. Ieendorse ko po sana,” salaysay ni Glenda.

“Sige po, Ma’am,” tugon ni Daniel at sabay sulat sa mga inendorse ni Glenda.

Pagkatapos makuha ni Daniel ang mga impormasyon, inendorse niya rin ito sa in-charge na si Ruben, “Ben, para mamayang hapon raw iyan mga alas-dos.” “Alang problema, Sir,” tugon ni Ruben. Bigla namang nagsitunog ang mga makina, dahil nagkaroon ng problem sa tubig. Lahat ng mga nars ay nagsipuntahan sa mga makina, pinagpapatay ang tunog nito at sinabihan ang mga pasyente na huwag mabahala at panandalian lamang iyon. Halos lahat ng mga pasyente ay naalarma rin at baka matigil ang kanilang dialysis liban kay Gaudencio.

“Doc, si Gaudencio po…kanina pa tulog, gising pa naman siya kanina pagkasimula at stable ang vital signs,” wika ni Myrna na nars na nakabantay.

“Subukan mong gisingin, Ma’am, at ichek na rin ang blood sugar niya baka mababa o sobrang taas na,” tugon ng doctor nila sa dialysis.

“Sir Daniel, pakitingnan po muna si Gaudencio, kukuha lang po ako ng pangchek sa blood sugar sa itaas kasi naubusan na tayo ng stock,” pasuyo ni Myrna kay Daniel.

“Sige Myrna, ako na muna bahala sa kanya,” tugon ni Daniel.

Nilapitan rin ng doktor si Gaudencio at sinubukang gisingin ito at dahil ayaw magising, marahil tulog, sinubukan niyang gamitan ng penlight ang mga mata ni Gaudencio kung may reaction pa. Medyo nag-aalala ang doktor, kung kaya’t tinawagan niya ang kanilang consultant para sa i-report ang kondisyon ng pasyente at kung anong abiso maaaring gawin. Lumapit rin si Daniel kay Gaudencio at sinubukang gisingin ito.

“Sir… Malapit na po kayong matapos, isang oras nalang po… Gising na…,” wika ni Daniel ngunit walang reaction mula kay Gaudencio. Sinubukan niya ulit at inilapit sa tenga ni Gaudencio ang bibig upang mas marinig habang hinahawakan ang kamay ng pasyente, “Sir.. Gising na po… Malapit na po kayong matatapos, iiwanan mo na naman ako.”

Biglang gumalaw at lumingon kay Daniel si Gaudencio, “Arrhhh, sino yan?”

“Ang bilis mo talaga akong nakakalimutan, si Daniel po…,” may lambing na wika ni Daniel.

“Ikaw pala iyan, anak, ano ba nangyari? Bakit iiwan?” tanong na naalimpungatan si Gaudencio at lumapit ang doktor.

“Hay salamat, tay, kanina pa po kasi namin kayo ginigising at parang ang lalim ng tulog niyo,” wika ng doktor kay Gaudencio at dagdag pa ni Daniel, “Oo nga Sir, kaya bumubulong na ako sa iyo…kasi lalim ng tulog mo at malapit ka na matapos.”

“Ay, ganun ba, wala kasi yung bantay ko, si Ate Shirly mo at di rin naman ako kinakausap nung nagbabantay sa aking nars, kaya nakatulog ako,” tugon ni Gaudencio kina Daniel at sa doktor habang paparating si Myrna.

“Ayan po, si Myrna, ichechek niya po blood sugar niyo,” sambit ng doktor.

“Hi Sir, ichechek lang po natin blood sugar niyo ah…ayan, 70, mababa po, Sir. Kain po kayo kahit konti,” wika ni Myrna.

“70, sige tay, kain po muna kayo konti o inom ng juice,” wika ng doktor.

“Mababa nga, 70, iha, pakibilhan mo nga ako nung turon ni Lorna dalawa, may bente rito sa bulsa ko,” pakiusap ni Gaudencio kay Myrna habang nasa tabi lang rin si Daniel.

Nilapitan ni Daniel ang doktor at nagtanong, “ano po kaya nangyari sa kanya, dok?”

“Buti nalang nagising siya, Dan. Nasa state of coma na siya kanina nung tiningnan ko,” tugon ng doktor.

“Buti na nga lang dok at nagising siya, sige po dok, salamat, tingnan ko muna ibang pasyente na malapit na ring matapos,” wika ni Daniel.

Apat na oras na ang lumipas at natapos na ang mga pasyente. Pinagliligpit na ang mga gamit nila sa dialysis at pati tusok ng mga pasyente ay inaayos nang mabuti. Saglit na pagpapahinga bago tuluyan na umaalis ang mga pasyente at may kasunod na grupo na naman ang siyang i-dadialysis. Yung nanay ng bata sa may hintayan ay nakaupo na rin hawak-hawak ang bill para sa pagdialysis ng anak.

“Guys, linisin nang maigi ang pinag-iwanan ng mga pasyente para sa mga papasok na pasyente,” pagpapaalala ni Daniel sa mga kasamahan. “Yes, Sir,” sabay tugon nina Myrna, Jen at Ruben. “Orayt, rakenrol tayo ngayong araw na ito,” masayang wika ni Daniel.

Gaya nga ng sabi ng iilang pilosopo, likas ang kabutihan ng tao ngunit naiimpluwensyahin ito ng kanyang kapaligiran. Bawat tao, iba-iba ang mga karanasan at nakakasalamuha na maaari niyang dalhin sa kanyang pagkatao. Ngunit iba-iba man ang katangian ng bawat indibidwal, sana pahabain ang pasensya upang matutunang umunawa at irespeto ang kaibahan ng bawat isa.

Ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 7.

Saranggola 336x280





Maki-Wika

15 11 2014

Kasarinlan nga ba itong tawag sa pagpupunyagi ng sariling wikang ginagamit,

Ngunit sa kabilang banda ay dahuyang wika pa rin ang namamayani?

Ilang siglo na rin ang binilang at lumipas nang tayo ay naging bayang salinlahi,

Hanggang ngayon ay parang di makawala sa kadenang bumibigkis sa leeg.

Pagmasdan ng mabuti ang ating kapaligiran na napapalamutian ng mga salita,

Oo, nababasa at naiintindihan, ngunit karamihan nama’y wikang dayuhan.

Higit na sa isang sentenaryo ang lumipas nang ang Pangulong Quezon nanguna;

Para sa adbokasiyang pagyayaman ng ating wika na hango sa mga katutubong salita.

Bagamat may mga ganitong mga pagpapahalagang pinagyayaman ng iilan,

Sa di maunawang dahilan, Konstitusyon ng ating bayan ay di unang hango sa ating wika.

Ayon nga sa salawikaing alam ng marami, si Pepe pa man din ang syang nagsabi,

“Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay daig pa ang isang malansang isda.”

Hinahon na muna at ating pagtahi tahiin ang mga nangyayari sa ating bayan,

Pagsasalita at pagdedebate sa mga pambansang okasyon, karamiha’y di ating wika ang gamit.

Saan pa pupunta ang ating pagiging sabik sa pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan,

Kung mismo karamihan sa ating mga kababayan ay di man lang hiyang sa pagsasalita ng ating wika.

Pulu-pulo man ang ating sambayanan; magkakaiba man ang mga diyalektong pinaglakhan,

Pagyamanin natin ang iisang wikang maaaring magbubuklod at magtataguyod ng ating bayan.

Magaling man tayo sa ibang wika, gawin natin itong bala makipagkomunika sa mundo

Ngunit huwag nating isaalang alang ang sariling wikang dapat mas mahal at naiintindihan ng karamihan.

Pagkat sa huli, san man tayo sa mundo mapapadpad – iisa ang ating layunin bilang bayan

May yabang at di mayabang na ipagsisigawan ang sariling wika – ang WIKANG FILIPINO.

Ito ay inyong lahok sa Saranggola blog awards 6.

Saranggola 336x280





Walong Bagay Tungo sa Pilipinas 2030

15 11 2014

Ang tinatamasang kaunlaran ng Pilipinas ay bagay na dapat ramdam ng LAHAT ng mga mamamayan. Ang mga mamamayan na siyang bumubuo sa pundasyon ng ating bayan at tumutulong sa paggulong ng ating ekonomiya. Di dapat isaalang-alang ang mga tao sa pag-unlad at dapat nababanaag ang pagnipis ng agwat ng mga mayayaman at mahihirap…

Sa kasalukuyan, marami pang dapat gawin sa ating bayan upang mas ramdam ang saganang natatamo. Ang dami ng mga industriyang nangangailangan ng paglilinang upang makapagbigay ng trabaho sa nakakarami, at magtataguyod ng pangmatagalang kaunlaran sa ating bayan. Subalit, bawat isa sa atin ay inaasahan ring magbibigay ng kanya-kanyang ambag para sa kaunlarang pangmatagalan. Di lamang ito responsibilidad ng pamahalaan, kundi responsibilidad ito ng lahat.

Iwan na muna natin ang paninisi nang kung sinuman na siyang balakid sa ating lubos na pag-unlad. Gawin nating hamon sa bawat isa at pamahalaan ang walong bagay o gawain na nawa’y makakatulong sa pagkamit ng wagas na kaunlaran. Halika at isa-isahin natin…

Una, magbigay tayo ng respeto sa bawat isa.

Sa pinakasimpleng pagpapahayag, ang pagrespeto sa kapwa ay magiging daan para rerespetuhin ka rin nila.

Ito ang isang bagay na kalimitang nakakalimutan ng mga tao. Dahil sa pagiging kumpetitib ng mga tao, di maiiwasang nagkakasakitan mauna sa pila o makapasok sa pintuan ng tren.

Huwag sana nating ipagwalang bahala ang pagrespeto sa kapwa at ito ang tiyak na aahon sa atin sa anumang pagsubok sa hinaharap. Ang kapwang nagrerespetuhan ay kapwang panatag ang loob kahit saan man mapadpad.

Ikalawa, bigyang halaga ang mga pampublikong proyekto

 

Isa sa pinakamagandang pampublikong proyekto sa bansa ay ang mga light rail transit o LRT at ang metro rail transit o MRT. Ito ay nakakatulong sa mas mabilis na transportasyon sa Metro Manila at sa murang halaga. Kahit anong ganda ng proyektong ito, tila ang mga taong desperadong makasakay para di ma-late sa trabaho o eskwela ay nagiging dahilan ng unti-unting pagkakasira ng tren. Hinahabol at pinipigilan ang pagsasara ng pinto ng tren kung kaya nagkakaaberya. Sana maunawaan rin ng marami na ang dumaan na tren ay may kasunod na tren; at ang huling gumising, mahuhuli sa pagpasok sa trabaho o opisina.

Isaisip rin sana natin na ang mga proyektong pampubliko na ginawa at nakatayo sa mga lansangan ay pinaglaanan ng buwis. Hangad natin ay maramdaman ang katas ng ating buwis sa pamamagitan ng pagkakaorganisa ng pampublikong sistema na nasa ayos.

Ikatlo, gawing may saysay ang kinikita.

Ano nga ba ang dahilan ng ating paghahanapbuhay? Upang kumita, di ba? Ano namang dahilan bakit gusto nating kumita? Para sa kinabukasan naman yun, tama ba?

Ang a-kinse at a-trenta ang pinakamayamang araw ng manggagawa – araw ng mga libonaryo ang madalas na tawag rito. Ngunit, datapwat at subalit, tinatapatan ito ng mga dambuhalang malls ng mga payday sale. Heto naman ang dakilang manggagawa, nahihikayat na sumilip at mapapabili nang di sa tamang panahon. Ngunit, bago ang lahat, gawing may saysay ang kinikita. Matutong magbudget at di lang puro gastos hanggang sa maubos ang kita. Simpleng formula gaya ng KITA bawasan ng IPON at ang matitira ay ipambubudget sa mga kailanganin at ang sobra ng budget ay para sa GUSTO. Di mahirap na formula na tiyak makakatulong sa bawat isa at ang kita ay mailalaan sa mas mahalagang bagay.

Pang-apat, unawain na ang lansangan ay di basurahan.

Nakakalungkot at nakakadismayang makita kahit matatanda ay nagtatapon ng kahit balot ng kendi kahit saan. Minsan pa ay lumilipad ito at napapadampi sa mukha ng kung sinuman – matatawa lang din ang siyang nagtapon.

May mga naglilinis nga sa mga lansangan araw-araw na kung tawagin ay mga metro aide. Ngunit di lang nila responsibilidad ang maglinis. Ito ay reponsibilidad nang lahat. Mas matutuwa pa akong walang makikitang metro aide sa lansangan at ibang trabaho aatupagin nila. Dahil ibig sabihin lang ng ganun ay ang mga mamamayan ay mulat at alam kung ano at saan ang basurahan. Tipong pati ang mga bata marunong magtapon ng simpleng basura sa tamang basurahan. Ito ay simpleng bagay na malaki ang magiging kontribusyon sa kalinisan at pagiging mature ng mga tao sa bagay na ito.

Panlima, tangkilikin ang produktong atin.

Natatawa ako sa ikot ng mga produktong galing sa atin. May mga kuwento ang mga turistang pinoy na nawiwili sa mga produktong nasa labas ng bansa at binibili ang mga ito. Di nila alam at huli na nilang nalalaman na ang mga ito ay gawa sa atin at mas mura pa sana ang bili nito sa atin. Oo, tinangkilik nga naman ang sariling atin ngunit di naman alam na iyon pala ay gawa sa atin.

Isa pang halimbawa ay ang sa produkto ng mina gaya ng uling. Magaganda ang kalidad ng ating uling kung kaya may yabang tayong nag-iimport ng mga ito sa ibang bansa. Ngunit, sa di malamang dahilan ay maraming planta ng enerhiya sa bansa ang umaangkat ng mga uling para paganahin ang mga ito. Mas mura sana ang kuha ng uling sa sariling bansa kaysa sa pag-aangkat ng mga ito sa iba, tiyak din sana na mas mura ang presyo ng enerhiya niyan.

Lagi sana nating isipin kung saan gawa ang mga produktong binibili at ginagamit natin. Sa ganitong paraan, ang mga manggagawa ng mga kumpanyang gumagawa ng mga produkto ay patuloy na may trabaho. Wika nga sa ekonomiks, habang may demand hahabulin ito ng suplay ngunit di sana mahal.

Ika-anim, hikayatin ang pamumuhunan sa produksyon.

Madaming malls ang itinatayo na parang mga kabute, tila nagpapahiwatig ito na ang Pilipinas ay isang bansang malaki ang porsyento ng mga mamimili. Magaling tayo sa pamimili ngunit kulang na kulang tayo sa mga pasilidad na magbibigay daan sa mas maraming produksyon. Karamihan ng mga nabibili ay inaangkat na mga kagamitan. Ang ganitong uri ng ekonomiya ay nagpapahina sa pundasyon ng produksyon sa hinaharap. Mawawalan ng trabaho ang mga nasa sektor ng produksyon at aasa na lagi tayo sa produkto na di galing sa atin.

Kung kaya’t hikayatin natin ang mga namumuhunan na mamuhunan sa mga pasilidad ng pamproduksyon. Ang mga pasilidad ring ito ang madadala ng mga produkto natin sa labas ng bansa. Ang mabuting produksyon ay magiging susi natin sa mundo at ang magtataguyod ng maraming trabaho sa bansa.

 

Ikapito, Ibandera ang pagkakaroon ng mas epektibong transportasyon.

Naitampok natin na ang mga tren sa ikalawang halimbawa. Ngunit, di lamang mga tren ang solusyon sa matinding trapik sa kalakhang Maynila. Iba’t ibang uri ng transportasyon ang makikita natin sa mga lansangan. Kasali na rito ang tren, mga bus, jeep at tricycle. Kasabay ng mga sasakyang ito, sumisikip lalo ang mga lansangan dahil sa dami ng mga taong nagcocommute. Di naman natin masisisi ang mga tao sa pagcocommute sa kadahilanang iyon nga ang Public Utility Transport System natin. Ngunit, subalit at datapwat, kailangang umayon ang mga transportasyon natin sa pangangailangan o dami ng mga mananakay. Di ba naiisip muli ang paglalagay ng mga dalawang palapag na mga bus? Iisa ngunit marami ang maisasakay na mga manananakay. Tipong may nakakaupo o nakakatayo saan man sa palapag ng bus na ito.

Di na masama kung maraming ganito sa mga lansangan ng Maynila at karatig lungsod. Mas maraming bus na dalawang palapag, maraming mananakay ang maisasakay, mas kukunti sasakyan sa lansangan, masa matiwasay ang mga daanan at di buhul-buhol ang trapik.

Pangwalo, gawing pangkalahatan ang mga pagpaplano.

Ang plano ay ginagawa pagkatapos ng masusing pagtukoy ng mga maaring problema sa isang sistema na gusto nating resolbahin. Sa pamamagitan rin ng pagtukoy ng mga problema, malalaman natin ang mga nakagawiang tugon sa mga problema at maaaring maimungkahi ang bagong pamamaraan ng pagsasaayos ng problema. Hay naku, puro problema… Dahil sawang-sawa na tayo sa pampublikong problema, ito ay lalaanan ng solusyon. Ang paglalapat ng mga bagong solusyon ay kailangang may nakalaang haba ng panahon na ito ay susubukan at gagawan ng ebalwasyon. Kung di naging maganda ang ebalwasyon, tutukuyin ulit ang mga naging problema at hahanapan ng solusyon; muling susuriin kung naging epektibo hanggang sa makuha ang pinakaangkop na pamamaraan o sistema para sa isang sitwasyon. Ipasok natin rito ang pagpaplano lalo na kung may mga sakuna at delubyong pumasok sa ating bansa. Tiyak, ang maayos na pagpaplano ay magbibigay ng daan sa maayos na pamahalaan.

Iilan lamang iyon sa mga bagay na tiyak magdadala sa atin sa isang maunlad na Pilipinas sa hinaharap. Di man perpekto, ngunit ito ang mga bagay na simple at kayang gawin kahit ng ordinaryong mamamayan.

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 6.

Saranggola 336x280





Dear Papa

15 10 2013

Dear Papa,

Naalala ko lang po yung sinabi mo sa akin, “Sulat ka ‘nak, ah.” Kaya ito po, sulat ko po para sa iyo, Papa.

Di man tayo isang marangyang pamilya ay may mga pagkakataon akong nakakapagliwaliw sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Nakakatawa nga lang isipin na ikaw yung nagtatrabaho para sa pamilya pero ikaw pa yung di gaanong nakakapagliwaliw. Kaya isa sa mga pangarap ko ay makapagliwaliw tayong mag-anak na medyo malayo para makapagsaya kahit minsan. Pero on the process pa yun kasi kakasimula ko pa lang sa mas magandang trabaho.

Sa loob ng higit labing limang taon na nalayo ka sa ating pamilya dahil sa trabaho, di man ito sa ibang bansa, ngunit Visayas pa rin ang ating pagitan.Noon, nakakauwi ka lamang every quarter ng taon. Ngayon, buti nalang at every two months na. Alam ko pong kami ang iyong kayamanan kung kaya’t pinagsikapan mong maitaguyod ang ating pamilya malayo ka man sa atin. Bilang ganti, kaming magkakapatid ay nag-aral nang mabuti at nagtapos ng may karangalan na alay naming sa inyo ni Mama.

Nakapagtapos na kaming lahat sa pag-aaral at malaking pasasalamat naming sa inyong suporta. Kahit sa pagkuha ko ng post graduate degree, salamat po at di niyo ako iniwanan – hinatian niyo ako ng pangtuition. 😉 Buti nalang at nagbigay din iyon ng pagkakataon na makapagliwaliw tayo saglit dahil sa graduation ko. Pero di pa po yun yung treat kong paggala sa ating mag-anak, kayo pa po yung gumastos noon. 😉

Sadyang mapagbiro ang tadhana, nauna kaming natapos ni kuya sa pag-aaral, pero si bunso ang pinakaunang nagkaroon ng trabahong masasabing totoong trabaho – pagkat may mga benepisyo at maayos na sahod. Gayunpaman, pasalamat pa rin kami ni kuya sa inyo ni Mama sapagkat may mga mapagkakakitaang bagay na aming naiisip na inyong sinusuportahan.

May mga nakakatuwang bagay sa buhay na ating napagtanto at isa na rito ang “walang nagiging mayaman sa pagiging empleyado”. May mga ilan-ilang sasang-ayon at meron ding hindi. Datapwat, kailangan maging marunong sa buhay – sabi nga ng komersyal ng Surf, dapat wais!

Bagamat pareho kaming nars ni kuya, di nauwi sa hospital ang career namin. Si kuya ngayon ay isang nurse-entrepreneur na sa buko shake kumikita at ngayon may lechonan pa. Ako naman, may trabaho at raket sa paggawa ng mga masasarap na panghimagas. Di naging madali sa umpisa pero ang inyong suporta kasabay ang pagdarasal, may mga natamo tayong di man karangyaan ay isang buhay na payak.

Naging sustansya naming ang iyong mga pangaral at takot sa Diyos para sa isang mapayapang pamumuhay. Hangad ko na mabigyan ka lagi ng malusog na pangangatawan at marami pa tayong gagawin sa hinaharap. Nawa’y ang ating mga plano ay babasbasan ni Papa Jes upang maisakatuparan at makatulong tayo sa kapwa.

Maraming pagbabago sa hinaharap. Maraming pagsubok rin ang darating. Ako, habang nasa isang paglalakbay na sinusulat ang liham na ito ay nagpapasalamat nang buong puso sa suporta at tiwala sa mga bagay na aking ginagampanan. Dahil sa inyo, buo ang aking pagkatao at pananalig sa Diyos na lahat ng mga nangyayari ay may haplos ni Papa Jes.

Dito na lamang po at marami pa tayong kuwento sa hinaharap.

Nagmamahal na anak,

CJ

Lahok sa Saranggola Blog Awards 5

Saranggola 336x280

dmci homes logo





18-24

15 10 2013

LANGHAP ANG USOK, DUMI NG HANGIN, AT AMOY NG BASURA

KATAWA’Y DI PROTEKTADO NGUNIT DI ITO INAALINTANA.

SA LAHAT NG PANAHON, BANGKETA ANG SILUNGAN,

PAGKA’T MARALITANG TAGA LUNGSOD, HIRAP MAGKAROON NG SARILING TAHANAN.

KATAWAN ANG PUHUNAN SA ARAW-ARAW NA PAGHAHANAPBUHAY,

NGUNIT KATAWA’Y DI NAAALAGAAN DAHIL SA DAMI NG KAKULANGAN.

KAKULANGANG DI HINAHANGAD PARA SA SARILI AT PAMILYA,

KAKULANGAN DIN NA DI AGAD NAKUKUHA ‘PAG ALANG PAGSISIKAP.

KAILANGAN NG KATAWAN ANG WASTONG NUTRISYON,

KAILANGAN DIN NG KATAWAN ANG SAGANANG TULOG.

NGUNIT SA TINDI NG MGA PANGANGAILANGAN,

KATAWA’Y NAKOKOMPROMISO AT NAKAKALIMUTAN.

MAY MGA NARARAMDAMANG DI PINAPANSIN,

MAS INIINTINDI ANG DAPAT KIKITAIN.

MADALING ARAW AY DI PA RIN NATUTULOG,

NAGING SANAY SA PANGANGALKAL, ANG TAGURI’Y BATANG-HAMOG.

SA ORAS NA TIRIK ANG HARING ARAW,

KATAWANG NAABUSO’Y TILA SA APOY NADADARANG.

KUNG GABI’Y PAYAPA, MALIWANAG ANG BUWAN,

KATAWANG PATANG PATA, SA PAWIS AY NALIGO TILA.

LUMIPAS ANG ILANG LINGGO, KATAWA’Y NANGANGAYAYAT.

UBO’Y LUMALALA AT DI NAIPASUSURI, PAGKAT DI SAPAT ANG KINIKITA.

KATAWA’Y NAGING MARUPOK AT MADALING NAPAPAGOD,

DAHIL SA KAKAUBO’Y SOBRANG SAKIT NG LIKOD.

SA BANGKETANG PINAGLALAGIAN, DINADAANAN NG MGA TAO.

IBA’T IBANG KLASE NG TAONG KARAMIHA’Y NAGTATRABAHO.

KONDISYON NG KANYANG KATAWA’Y MAS LALONG LUMALALA,

BUTI AT MAY NAGMAGANDANG LOOB AT IPINATINGIN ANG BATA.

PINASURI ANG KATAWAN SA PINAKAMALAPIT NA HEALTH CENTER,

SA KASAMAANG PALAD, ISANG SAKIT NA NANUMBALIK ANG NAKITA.

MAS MALUBHANG TUBERKULOSIS ANG SIYANG INAAKALA,

KUNG KAYA’T INIREFER SA MAS DALUBHASA.

ANG MGA SINTOMAS NA SIYANG NARARAMDAMAN,

KAALINSABAY NG MGA RESULTA NG LABORATORYO,

IMINUMUNGKAHI NITO ANG MAS MASINSINANG GAMUTAN

NA SIYANG HUDYAT SA PAGKAKAALIS SA BANGKETA KAHIT PANANDALIAN.

LABINGWALO HANGGANG DALAWAMPU’T APAT NA BUWAN

ANG SIYANG BIBILANGIN PARA SA TUTOK NA GAMUTAN.

LILISANIN ANG BANGKETANG KINALAKHAN AT TINULUYAN,

SIYA’Y KUKUPKUPIN AT MAWAWALAY SA PAMILYA PANANDALIAN.

ISANG HALF-WAY HOUSE KUNG SAAN SIYA MANANATILI,

ISANG TAHANAN KUNG SAAN SIYA’Y MAGPAPAGALING.

SA LOOB NG 18-24 NA BUWAN NA GAMUTAN,

WASTONG NUTRISYON AT PAHINGA’Y MAGING SAPAT AT DAPAT IPANATILI.

Lahok sa Saranggola Blog Awards 5

Saranggola 336x280

dmci homes logo





Metro Shuttle Coasters

21 06 2013

There are many ways of going to North Davao. It can be by your own private car, jeepney, taxi, van or bus. One additional way going there is with a coaster. It is smaller than a bus, but bigger than the van and jeepney. It can accommodate around 23 passengers.

So, I just tried it to know and experience how it is. So far, the fare is a bit high but with convenience. The terminal of the coasters can be located in Abreeza Mall. It costs a passenger around 120 pesos from the mall to Tagum City.

So far, with my experience. It is cozy inside but sometimes bumpy along the round. It takes an hour only of travel time. At least it is faster than a bus. 🙂

Experience Davao more!

Madayaw! 🙂